Teknolohiya binago ng sci-fi komiks

Noon pang dekada-’60 “moderno” na ang gadgets ni karakter sa komiks Detective Dick Tracy. Nakakatawag siya ng police back-up sa walkie-talkie na parang relo lang sa braso. Ngayon meron ng iWatch na bukod sa oras at petsa, nakakatawag at natatawagang parang cell phone, nakata­tanggap ng text at e-mail, napakikinggang parang radyo, napanonoorang parang TV, nakaka-audio-video recording­ at pang-check ng vital signs: temperatura, blood pressure, pulse at heart rate, at iba pa.

Kasabay nu’n may booster rocket na isinasabit sa bali­kat nina Batman at Robin para makalipad. Ngayon meron ng totoong ganu’ng kagamitan. Napapang-”lipad” ng sun­dalo, sisid ng rescue diver at gimik sa concert tulad ni Michael Jackson, at sa circus acts.

Sobrang galing ng komiks writers at illustrators noon. Batay lang sa kutob o intuition, nakakaimbento sila ng mga praktikal na makina. Ang science-fiction nila noon ay napapakinabangan na ngayon.

Si Superman ay may laser vision at mataas na tempe­raturang init sa kamay. Kaya niyang makita ang nasa kabila ng pader, ma-pressure ang uling maging diamante—at gamitin ang dalawang galing para maghilom ng sugat.

Nu’ng kasikatan ni Superman, apat lang ang panghilom: pulbos na sulfanilamyde, plaster, tahi at pandikit (glue). Problema sa mga ‘yon ay maaring mag-leak at mabasa ang sugat, kaya naiimpekta. Lalo na kung malaki ang wakwak, dapat isara agad na walang gabutil man lang na butas.

Pinag-aaralan na ngayon ang soldering o paghinang ng sugat. Gamit ang laser at infrared lights, pinagdidikit ng high heat ang nahiwang muscles, ugat at balat. Sa bilis ng pro­cedure hindi napapaso ang pasyente. Sarado agad ang sugat: walang tagas, walang impekta, konting peklat. Sugat kaya ng damdamin kayang mahilom ng hi-tech?

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments