Isang kaso na naman ito tungkol sa Article 36 ng Family Code kung saan napapawalang-bisa ang kasal dahil sa psychological incapacity. Ang isa sa mga prinsipyo na ginagamit ng ating hukuman ay ang magbigay ng hatol pabor sa pagpapatuloy ng kasal lalo kung may pagdududa o pag-aalinlangan. Ipinapaliwanag ito sa kaso nina Cynthia at Pete.
Matapos magpakasal at magsama sa loob ng 15 taon at pagkakaroon ng isang anak, nagsampa ng petisyon si Cynthia para mapawalang-bisa ang kanilang kasal alinsunod sa batas (Art. 36 Family Code). Ayon sa babae ay sobrang hilig ng mister sa pakikipagtalik at lagi siyang pinipilit na magkaroon ng oral/anal sex. May mga pagkakataon pa raw na pinagtangkaan ni Pete na molestiyahin ang kanyang kapatid na babae, mga pamangkin at pati kasambahay nila na nakikitira sa kanilang bahay. Inamin naman daw ni Pete ang kasalanan at nagmakaawa na isikreto na lang ang nangyayari.
Niloko rin daw ni Pete si Cynthia at nagkunwari na Romano Katoliko pero ang totoo ay born-again Christian ang lalaki. Nang ayaw pumayag ni Cynthia na sumapi sa relihiyon ng mister ay walang pakundangan nitong ininsulto ang kinabibilangan niyang sekta at isang beses ay pinagtangkaan pa siyang patayin ng mister sa pamamagitan ng pag-amba ng saksak gamit ang isang letter opener.
Inilahad din ni Cynthia na hindi nagbibigay ng pinansiyal na suporta si Pete para sa kanya at sa kanilang anak. Pagkatapos daw ng kasal ay pinilit ni Pete na pumisan agad sila sa magulang ng lalaki para kalahati ng suweldo nito ay mapupunta sa kanila.
Napilitan daw tuloy sila na umasa sa mga magulang ni Cynthia para sustentuhan sila noong doon naman sila tumira dahil hindi nag-abala ang lalaki na mag-abot ng parte sa gastos sa bahay. Ang masama pa raw roon, matapos mawalan ng trabaho si Pete ay hindi man lang nag-abala na maghanap ito ng ibang trabaho sa loob ng anim na buwan hanggang sa makiusap na siya na magtrabaho na ito.
Hindi rin nakakapagbigay ng emosyonal at sikolohikal na suporta ang lalaki sa kanilang anak dahil mas gusto nito na magmukmok sa kuwarto imbes samahan ang bata. Minsan pa nga ay sinasaktan nito ang anak lalo kung nagpipilit na makipaglaro sa kanya.
Ayon pa kay Cynthia ay basta na lang nangibang bansa si Pete na hindi siya kinonsulta at hindi nag-abalang bayaran ang malaki nitong pagkakautang. Huminto din ang lalaki sa pagpapadala ng sustento para sa kanilang mag-ina. Tuloy ay si Cynthia lang ang mag-isang nagtaguyod sa kanila.
Makalipas ang dalawang taon, nagpadala si Pete sa kanya ng sulat, inamin ang kaniyang pagkukulang at pinaalam kay Cynthia ang plano nito na makipaghiwalay ng tuluyan sa kanila. Pero pagbalik nito sa Pilipinas ay nagbago ang isip at hinabol ang kustodiya ng bata sa kanya. (Itutuloy)