May mga pagkain na posibleng makatulong sa pagiging healthy ng utak. Kapag sapat sa bitamina at nutrisyon ang pagkain, mas magiging matalas ang pag-iisip at memorya kumpara sa mga taong hindi kumakain nito.
Narito ang mga tinaguriang “brain foods”:
1. Mani—Ang mani ay may taglay na vitamin E at good fats. Ayon sa pagsusuri, kapag mataas ang lebel ng vitamin E sa iyong katawan, mas matalas din ang iyong pag-iisip. May tulong din ang mani para sa memorya. Puwedeng kumain ng nilagang mani, kasoy at walnuts. Huwag lang piliin ang pritong mani na may maraming asin. Limitahan din ang pagkain ng mani sa isang dakot lamang (30 grams) dahil mataas din ito sa calories.
2. Matatabang isda—Ang mga oily fish ay ang tuna, tilapia, salmon, sardinas, tamban at taba ng bangus. May taglay itong omega-3 fatty acids na nagpapaganda ng daloy ng dugo. Dahil dito, mababawasan ang tsansang magkaroon ng sakit sa stroke at atake sa puso. Subukang kumain ng 4 ounces ng isda tatlong beses kada linggo.
3. Itlog—Ang itlog ay mataas sa choline, isang kemikal na kailangan ng mga bata para mag-develop ang kanilang utak at memorya. Mataas din sa vitamin A, iron at folate ang itlog. Puwedeng pakainin ang bata ng 1 itlog bawat araw. Ngunit kung ikaw ay may sakit sa puso o mataas ang kolesterol, limitahan ang pagkain ng itlog sa 3 itlog bawat linggo.
4. Kape—Makatutulong ang kape para maiwasan ang Alzheimer’s disease at panghihina ng ating isipan. May sangkap na antioxidants at caffeine ang kape. May tulong din ang kape sa pag-memorya ng iyong inaaral pero panandalian lang ang epekto nito. Puwedeng uminom ng isa o dalawang tasang kape sa maghapon. Huwag din sosobrahan at baka bumilis ang pagtibok ng iyong puso. At sana ay huwag nang lagyan ng whip cream at full cream milk ang kape para hindi nakatataba.
5. Abokado—Ang abokado ay mayaman sa vitamin B at healthy fats (monounsaturated fats) na nagpapaganda ng daloy ng dugo sa utak. May mga pagsusuri sa hayop na nagpapakita na ang abokado ay nakababawas sa stroke at nakakababa ng blood pressure.
* * *
Benepisyo ng malunggay
Napakasustansiya ng malunggay. Bukod sa gulay na malunggay, marami rin ngayong nagbebenta ng malunggay bread, malunggay noodles at iba pang pagkain na may sangkap na malunggay.
Alamin natin ang mga benepisyo ng malunggay:
1.Maraming bitamina—Ang dahon ng malunggay ay punumpuno ng calcium at iron. Ang calcium ay nagpapatigas ng ating buto at panlaban sa osteoporosis. Kung ikaw naman ay anemic o kulang sa dugo, sagana ang malunggay sa iron na nagpapadami ng dugo.
2. Mataas sa protina, potassium, vitamin A at vitamin C—Ang mga bitaminang ito ay tinatawag na anti-oxidants. Ito yung lumalaban sa stress at nagpapabagal sa pag-edad ng ating katawan.
3. Maraming bitamina—Super-gulay talaga ang malunggay. Ang problema lang ay dapat masanay ang bata na kumain nito.
4. Masustansya at mataas sa carbohydrates, calcium, iron at phosphorus—Dahil mura at masustansya ang malunggay, puwedeng-puwede sa feeding programs ng gobyerno at volunteer groups.
5. Pampalakas ng katawan—Kumain ng 1 tasang dahon ng malunggay araw-araw para mapunuan ang bitaminang kailangan ng katawan.
6. Pamparami ng gatas ng ina—Kapag kulang ang gatas ng ina, kumain ng 1 tasang dahon araw-araw. Puwede ring pakuluan ang dahon at gawing tsaa at inumin.
7. Para sa constipated—Kapag ika’y tinitibi, kumain ng 1-2 tasang dahon sa gabi. Makatutulong ito sa pag-normal ng iyong pagdudumi.
8. Itapal sa sugat—Kapag ika’y may sugat, puwedeng ilagay ang dinurog na malunggay leaves sa sugat. Hugasan muna ang dahon at durugin ito. Lagyan ng konting tubig at initin. Pagkatapos ay ilapat ang malunggay “paste” sa sugat.