PESTE ang insektong balang sa pananim. Pero dahil malalayo ang nililipad ng mga kuyog nito, pinag-aaralan silang kabitan ng sensors na pang-surveillance sa kalaban sa giyera. Mas peste ang lamok sa tao. Pero mino-modify ang genes ng specie na nagkakalat ng malaria para mapaikli ang buhay matapos mag-mate. Pinakapeste ang ipis sa bahay. Pero may ine-eksperimentong silbi ang insektong ito na gumagapang at nakakalusot sa maninipis na puwang at daanan. Pangunahin ang pang search-and-rescue sa mga gumuhong gusali. Ulat ‘yan ng The Economist.
Mahigit dalawang dekada na’ng nasubukan na palikuin ang ipis sa kaliwa o kanan depende sa aling antenna nito na pinadalhan ng electrical signal. Ngayong umunlad na ang nano-technology, kaya nang magkabit ng micro-chip at sensor backpack sa katawan nito. Kayang ma-detect ng chips ang konting kilos at init ng katawan ng tao, at carbon dioxide na ibinubuga. May camera pa na super-liit sa bandang puwit. Mata-transmit ang datos at imahe sa computer. Mababatid ng rescuers kung saan ang survivors, ilan, at kalagayan nila.
Sinubukan ito ni Dr. Sato Hirotaka ng Nanyang Technological University, Singapore. Naglatag ang team niya ng guhong kongkreto, sari-saring korte at laki sa lote na 25 metro-kuwadrado. Ikinalat sa “guho” ang ilang tao. May mga decoy pa na microwave oven, heat lamp at laptop. Nagpakawala ng isang pulutong na “ipis robot”. Prinograma kung saan sumuot at lumitaw ang bawat isa.
Resulta: 87% tama sa pagkilala ng micro-chips ng ipis sa tao.
Maganda ng porsiyento ‘yon. Pero hindi pa kuntento si Dr. Sato. Dapat daw mas maraming retratong makuha mula sa iba-ibang anggulo. Kung ma-perpekto nya ‘yon, maari na raw mag-mass produce ng ipis robots sa loob ng limang taon.
Tanong: hihina kaya ang benta ng anti-cockroach spray?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).