Maaring obligahin ang mga mamamayan na magserbisyo militar o sibil. Sabi sa Konstitusyon, Art. II, Pahayag ng mga Simulain ng Estado, Sek. 4:
“Pangunahing tungkulin ng pamahalaan na paglingkuran at pangalagaan ang sambayanan. Maari tawagan ng pamahalaan ang sambayanan upang ipagtanggol ang Estado, at sa ikatutupad niyon, lahat ng mamamayan ay maari atasang maghandog ng personal na serbisyo militar o sibil, sa ilalim ng mga kondisyong itnakda ng batas.”
Sinubukan nang isabatas ‘yan—para handa sa giyera o malaking sakuna pero mali ang mga panukala. Ninais na magserbisyo militar ang mga Grades 11 at 12, edad 16 at 17. Labag ‘yon sa patakaran ng United Nations kontra sa batang sundalo. Dapat mayor de edad, 18, bago pagserbisyuhing militar. Pero may solusyon:
Dahil libre na ang kolehiyo sa Pilipinas, maari isakatuparan ang serbisyong militar sa first at second year, edad 18 at 19. Maibabalik ang Reserve Officer Training Corp. Sa ROTC sasanayin lahat ng estudyante lalaki o babae sa paggamit ng armas, intelligence, pagmamaneho, first aid, signals, bivouac, jungle survival at iba pang kaalamang sundalo.
Puwede rin sa ROTC ang serbisyo sibil. Pagtanggol sa kalikasan. Pagtanim ng puno sa bundok, bakawan sa pampang at gulay sa bakanteng lupa. Paghanda at pagligtas sa kapuwa sa lindol, baha, sunog, bagyo, tsunami o guho. Isama na rin ang pagtatrapik; kaayusan sa loob ng campus, paligid ng ospital, labas ng courthouse, at presintong halalan. Paghukay ng water impounding system sa bawat barangay.
Balik sa high school, sanayin na ang Grades 9-12, edad 14-17, sa paglangoy; pagbasa ng mapa; paghanap ng direksiyon mula sa araw at bituin; pagtanim; pagluto; pagtitipid ng tubig, kagamitan at pera; paggawa at pagkumpuni ng gamit pangbahay; pagkarpintero at pinta.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).