May bata noon sa Batangas na “naririnig” kung saan maraming isda sa dagat. Mula sa katig ng banka nilulublob niya sa tubig ang taynga, pinakikinggan ang kung ano, tapos ituturo sa mangingisda kung saan maglalatag ng lambat. May Dumagat sa bundok ng Quezon na “nalalasahan” sa dila kung uulan at kung gaano ito kalakas.
Iba ang kakayahan ng beteranong nurse na si Joy Milne ng Scotland. Naaamoy niya kung may Parkinson’s disease ang tao. Una niyang natuklasan ang galing nu’ng nagkaroon ng kakaibang amoy ang kanyang retiradong asawa. ‘Di nagtagal, nagkanginig sa kamay at bumagal ang kilos ng mister. Na-diagnose ito na may Parkinson’s. Tapos, sa support group ng mister ng mga may parehong sakit, napansin din niya ang amoy. Nakita sa pag-aaral na nade-detect niya ang amoy maski mahina, sa mga taong nagsisimula pa lang ang Parkinson’s. May isang pasyente nga na tiniyak niyang may sakit dahil sa amoy, maski wala pang sintomas maraming buwan bago ito makumpirma.
Nerve disease ang Parkinson’s. Namamatay ang mga neurons sa bahagi ng utak, ang “substantia nigra”. Bukod sa panginginig at tamlay, sintomas din ang pabagu-bago ng mood, hindi mahimbing na tulog at paghina ng pang-amoy. Hindi ito nagagamot.
Sinaliksik kung ano ang naaamoy ni Nurse Milne. Natuklasan na sebum pala ‘yon, mala-langis na lumalabas sa balat. Kapag may Parkinson’s, mas dumaragsa sa sebum ang ilang organic substances, tulad ng dodecane, acetone at ethyl acetate. Kapag nag-react dito ang natural na yeast cells sa balat, lumalabas ang misteryosong amoy.
Umimbento ang dalawang Chinese ng artipisyal na ilong. Kasinliit ng toaster, naaamoy ng computer ang kemikal. Alam na agad kung may Parkinson’s. Kaya lang 70% lang tumatama ang makina sa diagnosis. Hindi tulad ni Nurse Milne na siyento-porsiyentong tumpak ang pang-amoy. Sana magkaroon din ng artipisyal na taynga at dila.