EDITORYAL - Proteksiyon sa mga mamamahayag
HINDI nagkaroon ng proteksiyon ang mga mamamahayag sa mga nakaraang administrasyon. Maski sa panunungkulan ni President Duterte na magtatapos na ang termino sa Hunyo 30, hindi naproteksiyunan ang ang mga miyembro ng media at marami ang napatay. Bagama’t itinatag sa panahon ni Duterte ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMs), hindi naibigay sa mga mamamahayag ang seguridad. Sa panahon ng panunungkulan ni Duterte, 23 mamamahayag ang pinatay at lahat ito ay hindi pa nalulutas hanggang sa kasalukuyan.
Pinakahuling biktima ay ang radio comentator na si Jaynard Angeles ng Tacurong City, Sultan Kudarat na binaril ng riding-in-tandem noong nakaraang Enero 2022. Nasa isang car repair shop si Angeles nang barilin. Walang anumang tumakas ang mga suspect. Isinugod sa ospital si Angeles subalit patay na ito nang dumating. Hanggang ngayon, blanko ang pulisya sa pagpatay. Ang kaso ni Angeles ay daragdag lamang sa mga dati nang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag na hindi na nabigyan ng hustisya.
Ang bagong administrasyon ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. ay naglalatag ng mga bagong programa para maproteksiyunan at mabigyan ng benepisyo ang mga miyembro ng media.
Ayon kay Trixie Cruz-Angeles, itinalagang press secretary ni Marcos, nagsisimula nang bumuo ng mga bagong polisiya ang bagong administrasyon na magbibigay proteksiyon at mga benepisyo sa mga mamamahayag. Sinabi pa ni Angeles na layunin ng bagong polisiya ang kaligtasan ng mga mamamahayag. Itutuloy din umano ng Marcos administration ang PTFoMs na itinatag ng Duterte administration.
Kung magkakaroon ng katuparan ang bagong programa ng bagong administrasyon, malaking tulong ito sa mga mamamahayag. Magkakaroon na ng proteksiyon mula sa pamahalaan at posibleng mabawasan na ang pag-utang sa buhay ng mga mamamahayag.
Sa index report ng Committee to Protect Journalists (CPJ) noong nakaraang taon, pampito ang Pilipinas sa pinaka-worst na bansa para sa mga mamamahayag. Una ang Somalia, Syria, Iraq, South Sudan, Aghanistan, Mexico, Brazil, Pakistan, Bangladesh, Russia at India.
Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay naganap noong Nob. 23, 2009 sa Ampatuan, Maguindanao kung saan 30 mamamahayag ang pinatay. Nahatulan na at nakakulong ang mga Ampatuan subalit marami pang nakalalaya.
Proteksiyunan ang mga mamamahayag at igawad ang hustisya sa mga walang awang pinatay.
- Latest