Kabaliwan na, kahangalan pa!
Iyan ang masasabi ko sa adbokasya ng ilang mga anti-Marcos students na balak iboykot ang pag-aaral habang si Ferdinand Marcos, Jr. ang presidente ng Pilipinas.
Ang ipinagtataka ko ay kung bakit tila may mga miyembro ng academe at pamunuan ng mga pamantasan na tila kumukunsinti kung hindi man nag-uudyok sa mga estudyanteng ito.
Mga kabataan mag-esep-esep kayo! Kung itinuturing ninyong kalaban si Marcos, lalo‘t higit na dapat pahalagahan ninyo ang pag-aaral. Ang karunungan ang pinakamalakas at mabisang sandata para gapiin ang kalaban.
Sa tingin ko, hindi si Marcos ang kalaban ninyo kundi ang mga elemento at puwersang nagnanais ibagsak ang Pilipinas. Ang mabisang paraan para madurog ang isang bansa ay gawing mangmang ang mga mamamayan nito.
Kapag hindi edukado ang mga mamamayan ng isang bansa, mas madali itong lupigin at pagsamantalahan ng mga makapangyarihang bansa. Papayag ba kayong maihanay sa mga taong walang pinag-aralan, mga kabataan? Tiyak ko na hindi, kaya pag-isipan ninyong mabuti ang planong pagbo-boycott ng klase.
Anim na taon kayong hindi mag-aaral at kung ang magiging susunod na presidente ay si Sara Duterte, baka ituloy ninyo ang boycott sa kabuuang 12 taon! Alam kong matatalino ang mga kabataang Pilipino kaya bago ninyo gawin iyan, mag-isip-isip kayong mabuti dahil hindi lang kayo ang talo kundi ang buong Pilipinas.