Ang kapalpakan sa automated election system ay pinag-uusapan pa rin ngayon kahit na tapos na ang eleksyon. Maraming tao ang hindi pa rin makalimutan ang pagdududa nila dahil sa kalakhang resulta sa local at national elections. Sigurado na may mga nangyari pa rin na sablay sa dating eleksyon nang gamitin ang mga vote counting machines ng Smartmatic. Pero tinuloy pa rin ng Comelec ang paggamit ng parehong mga makina kahit pa ipinag-utos ni President Duterte ang pagpapalit ng Smartmatic pagkatapos ng ginawang automated elections.
Kahit walang pruweba na may nangyaring pandaraya at manipulasyon sa Automated Election System (AES) ay nagkaroon pa rin ng mapanirang mga salita pati sangkatutak na haka-haka sa utak nang maraming tao. Sa katunayan, sa datos ng eleksyon noong 2019, maraming vote counting machines (VCMs) ang hindi gumana. Maraming ulat tungkol sa pagkakaiba ng mga laman na resibo nilabas ng mga makina pati nagkaroon pa tayo nang malawakang vote buying sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.
Pagkatapos ng eleksyon noong 2019, maraming election expert ang nagsulong na kumuha tayo ng bagong sistema para sa pagpapatupad ng eleksyon. Imbes daw purong automated election system ay bakit hindi halo o isang hybrid system ang ipatupad kung saan manu-mano ang pagbibilang pati ang aktuwal na pagboto. Sa panukalang sistema ay isusulat ng botante ang mga pangalan ng kandidatong napili at bubuksan naman ng mga guro ang balota pati gagawa ng anunsiyo sa publiko tungkol sa resulta ng botohan sa bawat presinto sa harap ng mga watcher at botante. Ang automation ay tututok lang sa pagbibilang ng boto para mapabilis ang paglalabas ng resulta at proklamasyon ng nanalo.
Totoo na kailangan ang Random Manual Audit (RMA) sa Automated Election System (AES) upang mabasa ang mga laman ng balota at ikukumpara sa resulta ng machine count. Ang RMA ay sumusunod sa dikta ng batas tungkol sa automated election at sa patakaran ng estado na siguraduhin ang malinis, tama at kapani-paniwalang resulta ng eleksyon para ganap na ipakita ang ninanais ng mga tao. Pero tulad nga sa nangyari sa nakaraang eleksyon, ang resulta ng RMA ay hindi naging malinis na eleksyon. Sana sa susunod ay tangkilikin natin at ipatupad ang panukala ng mga election experts.