Una kaming tinuruan ng English alphabet sa Prep nu’ng 1960. “David and Ann” ang libro sa Grade 1 Reading. “Land of the Morning” at “Patriotic Pledge” sa simula ng klase. Grade III na nu’ng natutunan namin ang abakada, kasunod ang “Pepe at Pilar”, “Bayang Magiliw” at “Panatang Makabayan”. “Our Father” at “Hail Mary” ang dasal; high school na nu’ng inawit ang “Ama Namin”.
Para ipaugali sa aming mag-Ingles nu’ng Grade II minumultahan kami ng 5¢ tuwing “speaking Tagalog”. Para magaan sa bulsa hanggang 10¢ lang daw ang maari kubrahin sa bawat isa kada araw. Malaking pera sa amin ang 10¢, isang bote ng soft drink. Pambili raw ng walis at bunot ang naipon. Tagalinis ng classroom ang pinaka-malimit mag-”Engalog”.
Mula Grade IV inobliga kaming mag-library. Karamihan ng libro ay sa Ingles. Unahan kami sa paghiram ng “Crusades” at “William Tell”, “Popular Science” at “Youngster Magazine”.
Nangamote kaming lahat sa Panitikan nu’ng high school. Tatlong buwan bago matapos basahin ang Noli at Fili nu’ng 1970. Bagong subject ‘yon; pinagbasa kami ng mga maikling kuwento, tula at dula: “Impeng Negro”, “Florante at Laura”, “Ang Paglilitis ni Mang Serapio”.
May subject ding Español. Inaral naman namin ang akdang makabayan ng mga Pilipino sa Madrid bago mag-himagsikan: “La Soberania Monacal en Filipinas”, “A La Juventud Filipina”.
Marami sa amin ay matakaw magbasa hanggang ngayon. Maski magaganda ang palabas sa telebisyon, radyo, YouTube at Tiktok, hinahanap-hanap namin ang naka-imprentang akda. May mga nagsasabi na dahil sa teknolohiya, magiging visual na lahat. Panonoorin na lang, hindi na babasahin, lahat nang balita, sports, showbiz, agham at aralin sa eskuwela. Hind ko mailarawan sa isip kung paano mangyayari ‘yon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).