ANG post-traumatic stress disorder (PTSD) ay nangyayari pagkatapos makaranas ng sobrang stress, takot at pangamba gaya ng: 1) sakuna at delubyo, 2) galing sa giyera, 3) naholdap, 4) naaksidente, 5) na-rape at 6) matinding pananakit.
Karamihan sa mga sintomas nito ay nagsisimula sa pagitan ng dalawang linggo hanggang tatlong buwan pagkatapos ng pangyayari. Walang laboratory test na maaaring makapagsasabi na may post-traumatic stress disorder ang tao.
Ngunit kung may makitang ilang sintomas tulad ng sumusunod, posible nga na mayroon siya nito.
Pangkalahatang sintomas:
1. Ang sintomas ay tumatagal ng isang buwan, at hirap makisalamuha sa tao.
2. Muling naiisip ang ganoong pangyayari
3. Nakararanas ng bangungot, flashback o pagbabalik tanaw sa nangyari. Minsan naiisip na ito ay nangyayari muli sa kanya sa oras na iyon. Ang epekto nito ay mabilis na tibok ng puso at paghahabol ng hininga.
Dagdag sintomas:
1. Umiiwas na maramdaman o mapag-usapan ang pangyayari.
2. Umiiwas sa lugar, tao o gawain na konektado sa insidente.
3. Pinipilit kalimutan ang masamang nangyari.
4. Nababawasan ang interes sa pang-araw-araw na gawain at pakikisalamuha sa tao.
5. Nawawalan ng gana para isipin ang kinabukasan
6. Pagkakaroon ng abnormal sa personalidad kumpara noong hindi pa nasasangkot sa insidente.
7. Insomnia o hirap makatulog, iritable, magagalitin, wala sa konsentrasyon at matatakutin.
Paano gagamutin:
1. Kinakailangan ng psychological counselling sa lalong madaling panahon. Kinakailangan na ang taga-payo ay may kasanayan at kinakailangan nito ng follow-up sa biktima na hindi bababa sa anim na buwan.
2. Inirerekomenda ang pagpapatingin sa isang psychiatrist kung kinakailangan at kung hindi bumuti ang lagay ng pasyente ng anim na buwang gamutan.