Ang thyroid gland ay matatagpuan sa harap ng ating leeg. Katabi ito ng Adam’s apple, yung nakaumbok na buto sa gitna ng ating leeg. Ang thyroid gland ay hugis paruparo at karaniwan ay hindi nakikita o nakakapa. Ang thyroid gland ang nagkokontrol ng galaw ng mga organs ng ating katawan.
Kapag lumalaki ang ating thyroid gland, tinatawag itong goiter o bosyo. Madalas makita sa kababaihan ang hyperthyroid. Sa katunayan, 12.5% ng kababaihan ay nagkakasakit sa thyroid.
Dalawa ang puwede maging sakit ng thyroid gland: ang hyperthyroid (sobra sa thyroid hormones) o hypothyroid (kulang sa thyroid hormones).
Hyperthyroid: Mabilis ang galaw
Kapag hyperthyroid ang pasyente, bumibilis ang kanyang metabolism. Mabilis ang tibok ng puso, ninenerbiyos, laging pinapawisan, laging naiinitan, at nagtatae. Kung malala na ay lumuluwa rin ang kanilang mga mata. Delikado ito kapag hindi naagapan.
Para malaman kung ika’y hyperthyroid, ipa-check ang Free T3, Free T4 at TSH. Nagkakahalaga ito ng P800 sa murang laboratoryo. Kapag mataas ang lebel ng T3 at T4, ibig sabihin ay hyperthyroid ang pasyente.
Madali lang gamutin ang hyperthyroid. Binibigyan sila ng gamot na Methimazole (brand name Tapazole) 5 mg, mula 2 hanggang 4 na tableta sa maghapon. Iniinom ang gamot ng mga 1 taon o lampas pa. Magpa-konsulta sa isang endocrinologist o espesyalista sa thyroid.
Hypothyroid: Mabagal ang galaw
Sa kabilang dako, may mga pasyente na hypothyroid. Kabaliktaran naman ang nararamdaman nila. Mabagal ang tibok ng kanilang puso at lagi silang nalalamigan. Mabagal din silang kumilos at mag-isip dahil kulang sila sa thyroid hormones. Sa mga pasyenteng hypothyroid, mababa ang lebel ng kanilang T3 at T4.
Simple lang ang gamutan ng hypothyroid. Iinom lang sila ng Levothyroxine (Brand name Eltroxin) na nagpupuno ng kakulangan ng thyroid gland. Kadalasan ay iniinom ang Levothyroxine pang-habang buhay.
Kahit madali ang gamutan ng hyperthyroid at hypothyroid, ang problema ay napakahirap itong matuklasan ng doktor. Kakaiba kasi ang sintomas at napagkakamalang ibang sakit.
Kaya ang payo ko: ipa-check ang inyong Free T3, Free T4 at TSH. Baka may sakit kayo sa thyroid. Good luck po!