Ligtas ba ang bato ‘nyo?

Ang sakit sa bato ay ang ika-10 sanhi ng pagkamatay ng mga tao sa Pilipinas at ito ay tinatawag na silent killer.
Photo from Freepik.com

Dahil sa pandemya, lahat tayo’y nanatili sa ating mga tahanan. Kaya maraming mga sistema ang nabago, kasama na rito ang ating mga kinakain at ang ating eating habits. Dahil takot mahawa sa COVID mula sa mga grocery at palengke, ang ilan ay umasa sa pag-order at deliver ng pagkain. Karamihan sa mga pagkain na ito ay mula sa fast food restaurants. Ngunit dahil ang mga pagkaing ito ay madalas na pinirito, mataas sa kolesterol, at may additives, masama ang magiging epekto ng mga ito sa ating mga bato. 

Ang sakit sa bato ay ang ika-10 sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino. Itinuturing ito na "silent killer" dahil lumalabas lang ang mga sintomas nito kapag kritikal na ang kalagayan ng pasyente. Ayon sa isang artikulo mula sa website ng Unibersidad ng Pilipinas para sa kanilang webinar na tinatawag na Dialysis at COVID-19: Challenges and Opportunities, isang Pilipino ang namamatay kada oras dahil sa kidney failure. Sa taong 2020, humigit-kumulang 35,000 na Pilipino ang sumailalim sa dialysis at kidney treatment sa bansa.

Ang mga taong may sakit sa bato at nagka- kidney transplant ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng malalang COVID-19.

Dahil sa aming adbokasiya ng isulong ang kidney awareness ngayong World Kidney Month, inimbitahan namin ang nephrologist na si Dr. Frederick Verano sa “Okay, Doc”.

Ibinahagi ni Dr. Verano na dahil sa pandemya, ilang mga pasyenteng may sakit sa bato ang hindi na nakapunta sa ospital o mga dialysis center sa nakalipas na dalawang taon. “Noong 2021, hindi natin dama yung dami ng tao na may sakit sa bato, pero sa mga last quarter ng 2021 at first quarter ng 2022, nararamdaman nating napakaraming pasyente ang mga bumabalik sa ospital at nagpapatingin sa kanilang mga doktor, Ito yung mga hindi nakapagfollow-up dahil sa pandemya. Marami po sa kanila ay nagkaroon na ng progression ang sakit sa bato o yung mga dating diabetic o hypertensive lang noon na ngayon ay rinerefer na ng mga attending nila dahil nakikitaan na ng mga sintomas ng problema sa bato.”

Kidneys 101

Ang ating mga bato ay napakahalagang organ sa ating katawan. Pinapanatili nilang malinis ang ating dugo. Ito marahil ang pinakamahalagang tungkulin ng ating mga bato. Mahalaga ang protina sa ating katawan. Ngunit pagkatapos gamitin, ito ay nag-iiwan ng waste products na dapat ilabas sa katawan. Sinasala ng ating mga bato ang dugo, at pati na rin ang waste products na inilalabas natin sa ating ihi. Ang creatinine at urea ay itinuturing na waste products din sa ating dugo na sinasala ng ating mga bato.

Pinapanatili din ng ating mga bato na sakto ang dami ng tubig sa ating katawan. Ito ang pangalawang pinakamahalagang papel ng ating mga bato. Tinitiyak nitong balansiyado ang likido sa ating katawan sa pamamagitan ng paglalabas ng sobrang tubig bilang ihi at pagpapanatili ng tamang dami lang ng tubig na kailangan ng ating katawan. Minamanas ang mga taong may sobra-sobrang tubig sa katawan.

Nakatutulong din ang mga bato sa pagpapanatii ng tamang presyon ng dugo. Gumagawa ito ng hormones na tumutulong sa pag-kontrol ng asin at tubig sa ating katawan, na mahalaga sa pagkontrol ng presyon ng dugo. Mahalaga rin ang papel ng ating mga bato para mapalakas ang ating mga buto sa tulong ng Vitamin D. Kaya malaki ang epekto sa ating katawan ng pagkasira ng ating mga bato. Ilan sa pangunahing sanhi ng pagkasira ng bato ang malalang diabetes at altapresyon.

“Para mapangalagaan ang bato, magpa-urinalysis o blood test taun-taon para ma-check ang creatinine level, lalo na kung may history ng sakit sa bato sa pamilya,“ payo ng nephrologist na si Dr. Frederick Verano.

“Yung sakit sa bato, wala talaga siyang sintomas sa ibang pasyente until that time na talagang nagiging worse siya. The patient may experience changes sa kanyang ihi. Sometimes nagiging cloudy or mapula kasi may dugo yung ihi nila. Sometimes may bula … Since yung kidneys yung nagcocontrol ng water balance sa katawan natin, kapag nawala na yung capacity ng kidneys natin na mag-ayos ng balanse na yun, namamanas yung pasyente natin kasi nagkakaroon ng water retention. Yung ibang pasyente minsan hindi na nila malabas yung mga dumi sa mga katawan nila, paggising pa lang sa umaga parang pagod na pagod na sila. Wala na silang energy,” paglalarawan ni Doc Verano ng ilang mga nararamdaman ng mga may sakit sa bato.

Ang mga taong kadalasang nagkakasakit sa bato ay ang mga antimanong mayroon na nito sa kanilang pamilya (namamana), o may diabetes o altapresyon.

“Get a urinalysis or a blood test to check your creatinine level at least once a year if you have a history of kidney disease in your family or if you have an illness that could cause kidney disease,” payo ni Doc Verano nang tanungin kung anong mga pagsusuri ang maaaring gawin upang ma-check ang kanyang mga bato. Ayon sa healthline.com, maaari ring gawin ang mga sumusunod na test: Glumerular Filtration Rate, Ultrasound, CT Scan, at Kidney Biopsy.

Mga karaniwang uri ng sakit sa bato

Chronic Kidney Disease

Ang CKD ay karaniwang dahil sa hypertension (high blood pressure) at diabetes. Hindi ito madaling gamutin. Ang mga taong dumaranas nito ay dapat sumailalim sa dialysis (medical procedure para salain ang dugo dahil sa kidney failure), o kidney transplant.

Polycystic Kidney Disease

Nangyayari ito kapag maraming cyst sa ating bato, na maaaring pumigil sa maayos na paggana ng mga bato.

Urinary Tract Infection (UTI)

Nangyayari ito kapag nagka- bacteria ang urinary system. Ang UTI ay madaling gamutin. Ngunit kung hindi magagamot agad, ang impeksiyon ay maaaring kumalat at maaaring umabot sa mga bato.

Kidney stones

Ang pagkakaroon ng kidney stones ang isa sa mga pinakamadalas na problema ng ating mga bato. Nangyayari ito kapag ang mga mineral at iba substances sa ating dugo ay namumuo bilang mga kristal sa loob ng ating mga bato.

“Kidney stones are the accumulation of minerals sa katawan, most especially kung mataas ang uric acid at calcium level mo. Yung mga mineral na ito, sa kidneys ito ine-excrete. Itong pag-form ng kidney stones na ito ay hindi overnight.  Para itong diamond, panahon ang hinintay para lumaki at tumigas. Usually, nagbibigay tayo ng gamot na pangpatunaw. Sambong yung binibigay natin para sa kidney stone bilang may lokal na pag-aaral na nakakatulong ito sa pagtunaw ng kidney stone. Para maiwasan natin ang pagbuo ng kidney stone kailangan natin uminom ng maraming tubig,” paliwanag ni Dr. Verano. Dagdag pa niya, “walang formal studies na nakakapagpatunay na nakakatunaw ng kidney stone ang lemon o olive oil.”

8 golden rules in protecting your kidneys.

Pag-iwas sa sakit sa bato

  • Manatiling aktibo.
  • Kontrolin ang iyong asukal sa dugo o blood sugar, lalo na sa mga may diabetes. Kung tama ang nibel ng blood sugar, mas mababa ang stress na ibinibigay nito sa mga bato, kaya mas maiiwasan ang sakit sa bato.
  • Kontrolin ang iyong presyon ng dugo lalo na kung ang iyong pamilya ay may history ng hypertension. Kung ikaw ay diabetic, ang iyong target na presyon ng dugo ay dapat na mas mababa sa 120/80.
  • Kontrolin ang iyong timbang. Kumain ng mas maraming prutas at gulay. Iwasan ang paggamit ng food additives at bawasan ang maaalat, mga prito, at matatabang pagkain.
  • Uminom ng hindi bababa sa walong baso kada araw.
  • Huwag manigarilyo. Ang paninigarilyo ay naglalabas ng mga kemikal na pumapatay sa cells ng bato.
  • Regular na magpa-check sa doctor, lalo na kung ikaw ay may risk factors.

Hindi natin alam kung hanggang kailan matatapos ang COVID-19. Sa ngayon, ang mga ospital at health centers ay mas inuuna na gamutin ang mga taong may COVID-19, kaya hindi gaanong nabibigyang pansin ang paggamot sa iba pang mga karaniwang sakit tulad ng sakit sa bato. Kaya gawin natin ang ating magagawa upang manatiling maayos ang ating mga bato para hindi tayo humantong sa isang mabigat na sakit na pagsisisihan natin pagdating ng araw. 

 

--

Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 4:00-5:00pm Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  Instagram, Facebook, YouTube, Twitter,  and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at editorial@jingcastaneda.ph

Show comments