KUNG maaalala, ilang buwan na ang nakararaan ay may napabalita sa mga pahayagan, radyo at telebisyon na konsehal ng Lopez, Quezon na umano’y nanghalay ng menor de edad. Idinemanda ang konsehal na ito at nakulong ng limang buwan pero lumaya dahil naabsuwelto ng korte. Ang kaso, rape, child abuse at serious illegal detention.
Ngayon, nagrereklamo ng illegal detention si Konsehal Arkie Manuel Ruiz Yulde na siya raw ang totoong biktima ng illegal detention. Idinamay pa ang isang kongresista ng Quezon at asawa nito na wala namang kinalaman sa kaso.
Tanong nga ng isang beteranong criminal lawyer, paanong magiging illegal detention kung tama sa proseso ang demanda? May nagsakdal, inisyuhan ng balidong warrant para maaresto at nakulong sa isang non-bailable na kaso? Following common sense, Kung legal ang lahat ng proseso, walang basehan ang kaso ng iniharap ni Yulde kahit sabihin pang siya ay absuwelto, Sabi ng abogado.
Kung si Hubert Webb nga na sangkot sa Visconde massacre ay hindi nakapagdemanda nang baliktarin ng Mataas na Hukuman ang desisyon kahit nakulong ito nang maraming taon, dapat siguro magpasalamat pa si Yulde dahil naabsuwelto siya.
Pagdidiin ni Atty. Merito Lovensky Fernandez “walang illegal detention na nangyari” kay Yulde. Ito ay inihayag ng abogado sa isang radio interview. “This is more a political propaganda to smear the name of Rep. Helen Tan and her husband” dugtong ni Atty. Fernandez. Kung iyan man ay isang paninira lang laban sa congresswoman, matatawag iyan na isang “bulok-propaganda” na sa kasamaang palad ay laganap sa panahon ng eleksiyon.