Pagkatapos ng pagkahaba-habang santong dasalan, umpisa na ang panahon ng santong paspasan. Kahapon ay opisyal nang binuksan ang campaign period para sa pambansang puwesto sa halalang Mayo 2022.
Mula nang naging pinal ang talaan ng kandidato noong nakaraang Oktubre 8, hindi na tayo tinantanan ng tsunami ng balita, lalo na patungkol sa mga gustong mag-presidente. Sa social media at sa mga naglalakihang billboard, saan ka mang dako ng Pilipinas mapunta, tila hindi matakasan ang kanilang higanteng pagmumukha.
Gaano pa mang kahigpit ang batas laban sa ilegal na pangampanya, sinamantala ng karamihan ang butas sa batas. Habang wala pa kasi ang Pebrero 8 na official campaign period, hindi pa sila maituturing na opisyal na kandidato. Mga opisyal na kandidato lamang ang sakop ng patakaran laban sa early campaigning. Kahit anong gawin nilang pagpapakilala, gaano man kagarapal, hanggang itong nakaraang Lunes ay hindi ito bawal.
Simula kahapon, dapat ay nagbalik na sa mga lansangan ang mga nag-gagandahang pagmumukha ng commercial models at artista na karaniwang nakikita natin sa mga ads at billboards. Sisipa na muli ang mga regulasyon at patakaran sa kampanya kung saan sa poster na lang at polyetos nakikita ang mga kandidato. Sa TV at radyo at maging sa social media ay puwede na silang humingi ng ating boto pero may limitasyon na ngayon di tulad noon na wala pang bawal.
Dahil sa paghigpit na dala ng pandemya, naging palaisipan kung paano natin makikilala ang mga nangangahas manghingi ng ating tiwala. Palagay ko naman na sa nagdaang ilang buwan ay nagkaroon na rin tayo ng ideya.
Sa darating na 90 araw, mas kilatisin natin ang kanilang plano. Maging mas mapanuri nang malaman natin kung ang kanilang paninindigan ay tugma sa ating paniniwala. Kahit hindi natin makita nang harapan ang kandidato, tayo na ang humakbang upang lalo mapangatawanan ang obligasyon natin bilang mamamayan.