NU’NG lumabo ang mata ko sumubok ako ng audiobooks. Hindi kailangan basahin, pinapakinggan lang. Nakakanibago sa simula, dahil ugali ko namnamin ang mga salita at pangungusap ng umakda. Pero nakasanayan ko rin dahil puwede naman ibalik kung gustong ulit-ulitin ang nagustuhang talata o kung mali ang pagkakadinig.
Kainaman ng audio ay mas marami akong nabubunong libro ngayon. ‘Di tulad dati na sa bagal ko marami na ang dalawang mabasa sa isang buwan, ngayon nakaka-dalawang libro ako sa isang linggo. Kaya nagsu-subscribe ako sa mga online book sites. Sa fiction, maikling kuwento o nobela, drama o aksiyon; sa nonfiction, mga seryosong paksa.
Wala nang pahina na nililipat. Pinipindot lang ang start at stop buttons sa mobile phone o tablet. Maari rin i-set ang timer kung ilang minuto o oras nais makinig. Sa kama, naka-earphone lang para hindi maabala ang kasiping – na nakikinig din ng sariling audiobook.
Nakakapakinig habang nagmamaneho, nagsusulsi, nagwo-workout, kumakain, naliligo – na hindi magagawa sa hard copy.
Pati mga artikulo sa dyaryo at magasin ay maaring ipabasa na lang sa gadget: boses ni Alexa sa Android, at tinig lalaki o babae ni Siri sa Apple. Mauutusan din sila magpadala ng message at tumawag sa nais kausapin. Nagpapaalala pa ng oras, petsa, at appointments.
Mabalik sa audiobooks. Mas nakakagana kung ang bumoboses ay propesyonal na aktor sa entablado. Kaya nila bago-bagohin ang tinis, bilis o punto ng pagsalita – naibabagay kung babae o lalaki, matanda o bata ang karakter, o kung umiiyak, natutuwa, lasing, bagong gising, atbp. Parang nanonood ng dula na inaakto ng isang aktor ang marami.
Dahil nauuso ang audio books miski sa malinaw pa ang mata, nagkaroon na rin ng book reviewers at kritiko na audio. Nakakatuwa rin sila pakinggan dahil para ring dula ang pagpuri o pagwasak sa akda.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).