Nagtataka rin ba kayo kung paano inuubos ng iba’t ibang uri ng ibon ang tanim niyong sili? Kapag pula ang bunga mas nilalantakan nila kaysa berde, anang ornithologists, mga zoologists na espesyalista sa ibon. Mahina ang panlasa ng ibon ng anghang. Nagmula sila sa mga dinosaurs na de-pakpak at lumalamon ng karne at halaman. Sa 30 milyong taon ng ebolusyon may mga species ng aves (ibon) na puro prutas at katas ng bulaklak na lang ang kinakain. Napaiba sila sa mga ibong mahilig sa karne.
Patuloy ang saliksik. Bakit may mga ibon na pala-awit o songbird, tulad ng kiyaw (oriole) at tarat (brown shrike). “Passeri” ang tawag sa mga pala-awit, at kalahati sila ng lahat ng species ng ibon. Iba-ibang nota ang tunog nila. Kakaiba sila sa kak-kak-kak lang ng uwak.
Pagkain ng matamis ang dahilan, anila ornithologists Dr. Toda Yasuka ng Tokyo University at Dr. Maude Baldwin ng Max Planck Institute-Germany. Nilathala ang saliksik nila sa Science magazine.
Una nilang pinag-aralan ang hummingbird na napakabilis at napakalimit ng galaw ng pakpak. Natuklasan nila na meron itong dalawang protina na panlasa ng tamis, T1R1 at T1R3. Ang mga ibon na hindi palaawit ay walang T1R3; naglaho ito sa ebolusyon ng dinosaurs tungo sa ibon ngayon. Pero sa ibang species, bumalik ang T1R3 para makapili ng bulaklak na may nektar. Isa na roon ang hummingbird.
Sa pag-aaral ng iba pang species, nabatid nina Yasuka at Baldwin na pala-awit din kung may T1R3. ‘Yun ang mga mahilig sa mga prutas na may asukal. Napapaawit sila sa tamis kumbaga.
May mga ibong mandaragit na nagmumura kapag nakatikim ng mapait. Naglalakad sa dalawang paa at may kamay imbes na pakpak. Nagnanakaw, nananakit, at nagsisinungaling. Kilala n’yo ba sila?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)