(Huling bahagi)
Ang kasong ito ay tungkol sa paghahati ng mana ng isang namatay. Ang isyu ay ang usapan sa paghahati sa mana at kung legal ito o dapat igalang. Tungkol ito sa mga tagapagmana ni Teresa. Biyuda si Teresa at may anim na anak – Linda, Myrna, Rolly, Dely, Lita at Tita. Nang mamatay si Teresa, marami siyang naiwang ari-arian.
Nagkaroon ng pag-uusap ang mga anak. Bandang huli ay nagkasundo sila para sa maayos na paghahati ng ari-arian. Nagtakda ng petsa sa pagpirma ng compromise agreement pero hindi sumipot si Myrna. Wala raw siyang sapat na pera para bumiyahe mula probinsiya papunta sa siyudad kaya si Linda lang at iba pa nilang kapatid ang nagsipirma sa kasunduan. Isinumite nila ito sa RTC at inaprubahan.
Pakiramdam ay naapi, umapela sa Court of Appeals si Myrna. Paano raw magiging legal at katanggap-tanggap sa lahat ang compromise agreement kung hindi siya pumirma at pumayag dito. Pero kinatigan ng CA ang desisyon ng RTC.
Humingi ng rekonsiderasyon si Myrna pero hindi siya pinagbigyan ng CA. Kaya iniakyat niya sa Supreme Court ang usapin. Kinuwestiyon niya pati pag-apruba ng CA sa kasunduan.
Pero parehas ang naging hatol ng Supreme Court sa CA at RTC. Ayon sa SC, hindi importante kung hindi man nakapirma si Myrna sa kasunduan. Napagkasunduan naman na daw ng mga tagapagmana kung paano hahatiin ang ari-arian ng namatay. Walang kondisyon na nagsasabing kailangan na isulat pa ang kasunduan para igalang ng magkabilang panig. Ang paghahati ng mana ay hindi maituturing na paglilipat ng karapatan kundi isang paraan lang para kumpirmahin ang karapatan ng tagapagmana. Hindi sakop ng tinatawag na “Statute of Frauds” ang paghahati sa pamamagitan ng salita (oral partition).
Kahit pa may statute of fraud, kayang-kaya ng ating mga hukuman na pairalin ang oral partition para umpisahan o kumpletuhin ang paghahati ng mana. Sa kasong ito, hindi itinanggi ni Myrna ang pahayag ni Linda na nagkasundo na sila sa hatian na nakasaad sa compromise agreement pati naumpisahan na ang oral partition. Kaya kahit hindi pumirma sa kasunduan si Myrna, dapat pa rin niya itong sundin dahil napagkasunduan nilang magkakapatid. Pinadadali lang ng kasulatan ng kasunduan ang implementasyon nito. Kaya nasunod ang desisyon ng CA (Fajardo vs. Cua-Malate, G.R. 213666, March 27, 2019).