Voting in tandem ang nararapat
Ang pagboto sa President at Vice President mula sa magkalabang partido ay hindi nagbubunga ng mabuti. Naranasan na natin iyan kina Presidente Duterte at VP Leni Robredo na hindi magkasundo sa maraming issue.
Kung nagkakasundo ang Presidente at kanyang Vice, nagkakaisa sila palagi sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko. Hindi nagbabatikusan sa bawat isa, isang bagay na nakapipigil sa kaunlaran ng bansa.
Sa Amerika ay iyan ang sistema. Tandem voting ang tawag. Sa atin walang batas kaugnay nito pero dapat ito ay pag-isipan na ng mga botante sa pagpili ng presidente at bise presidente na may iisang sinusulong na plataporma. Sa ganito ay masasabi na may pagkakaisa at solido ang pamamahala.
Nakalulungkot pero dito sa atin, ang tambalan o alyansa ay sa panahon lang ng eleksyon. Kapag nasa puwesto na ay magkalaban na. Pero sabi naman ng tambalang Sen. Ping Lacson at Sen. Tito Sotto, iba sila dahil may nagkakaisa silang agenda. Iyan ang inaasahan natin kahit sino ang magwaging tambalan. Nagtutulungan para isulong ang pinakamabuting programa para sa bansa.
Kapwa naniniwala sina Lacson at Sotto na sa aspeto ng pagkakaisa sila nakalalamang kumpara sa ibang tambalan. Si Lacson ay chairman ng Partido Reporma at si Sotto ay National People’s Coalition. Sana, ang lahat ng tambalan ay magkaroon ng ganyang kaisipan. Hindi lang tactical alliance para magwagi kundi ituloy ang pagtutulungan hanggang sa sila ay nasa puwesto na.
Ayon sa ilang political analyst sina Lacson at Sotto ay kapwa pinakahanda para sa posisyon ng presidente at bise presidente. Kaya dapat sipatin nating mga botante ang mga kandidato, sino ba ang talagang handa simula umpisa?
- Latest