Marami ang naaaksidente sa umaga. Lalo na ang mga bagong gising. Puwedeng mahilo at bumagsak dahil hindi pa ganoon ka-“gising” ang katawan. Puwedeng manhid pa ang paa at walang balanse sa paglalakad.
Sundin ang mga sumusunod na payo para maging ligtas:
1. Bago matulog, ihanda na ang gamit at damit na gagamitin sa kinabukasan para hindi nagmamadali pagkagising. Kung nakahanda na ang mga gagamitin, magiging panatag ang isipan at makakatulog nang mahimbing.
2. Paggising sa umaga, magpasalamat sa Diyos. Dahil marami ang hindi na nagigising. Sabi nga, “Every gising is a blessing.”
3. Paggising huwag tatayo agad at baka mahilo. Dahan-dahan lang sa pagbangon sa umaga.
4. Umupo muna ng 1 minuto at mag-stretch ng leeg at balikat. Ang biglang pag-upo at paggalaw ng ulo ay puwedeng magdulot ng vertigo o pagkahilo. Mayroon ding nag-collapse at nagdilim ang paningin sa biglang pagtayo. Nagkukulang kasi ng dugo sa ulo sa pagbaba ng blood pressure.
5. Sa pagtungo sa banyo (ma-lalaki man o ma-babae), umupo sa inidoro habang umiihi. Baka inaantok pa at biglang bumagsak, mahilo o mag-collapse.
6. May tinatawag na “micturition syncope” kung saan nagko-collapse ang tao habang umiihi. Puwede itong mangyari kaya mag-ingat kung bagong gising at gagamit ng banyo.
7. Uminom ng dalawang basong maligamgam na tubig bago mag-almusal. Ito ay para luminis at mailabas ang dumi sa katawan. Turo ito ng Japanese water therapy.
8. Maging positibo na magiging maganda ang buong araw. Mag-expect na may darating na biyaya sa iyo.
9. God bless sa lahat.