Ang hika (asthma) ay ang pamamaga at pagiging sensitibo ng mga maliliit na daanan ng hangin sa ating baga. Kapag umaatake ang hika, dumarami ang plema sa baga at kumikipot ang daanan ng hangin, kaya naghahabol ng hininga ang pasyente. Ang mga sintomas ng hika ay ang hirap sa paghinga, pag-ubo at paghuni.
Walang permanenteng gamutan sa hika. Ngunit kung babaguhin ang pamumuhay, puwedeng mabawasan ang atake ng hika ng 50 percent.
Ganito ang gawin kapag may hika:
1. May allergy ba sa paligid? Mga 80 percent ng taong may hika ay may allergy din. Pag-isipan kung ano ang ginawa bago umatake ang hika. Napagod ba, nainitan, o nakasinghot ng mabahong bagay? Isulat ito sa isang diary. Umiwas sa mga bagay na nagpapaatake ng hika.
2. May allergy ba sa pagkain? Hindi kasing dalas ang allergy sa pagkain (mga 8 percent lang) pero nangyayari rin ito. Mag-ingat sa mga food preservatives, food coloring, sitsirya, alak, mani, seafoods, itlog, manok, at iba pa. Hanapin kung saang pagkain may allergy at umiwas dito.
3. Mag-ingat sa mga gamot. May taong may allergy sa mga gamot tulad ng aspirin, penicillin at gamot sa kirot. Paracetamol lang ang ligtas. Kumunsulta sa doktor bago uminom ng gamot.
4. Umiwas sa pollen. Pagdating ng tag-init (Marso hanggang Hunyo), naglalabasan ang maraming pollen galing sa mga puno at damuhan. Mag-face mask. Mas maraming pollen sa umaga.
5. Kapag taglamig na, minsan ay nagkaka-amag at fungus ang banyo dahil lagi itong basa. Tuyuin ang banyo pagkatapos maligo.
6. Kung may vacuum cleaner, gamitin ito para higupin ang mga dumi sa bahay. Kung puwede, alisin ang mga carpet at rugs dahil mabilis itong kapitan ng alikabok.
7. Umiwas sa alagang hayop. Paliguan ang alagang aso bawat linggo. Kung puwede, huwag na lang mag-alaga ng hayop sa bahay, dahil nakakahika ang balahibo nila.
8. Buksan ang bintana sa kusina. Ang matinding amoy ng pagkain ay puwedeng pag-umpisahan ng hika. Nakaiirita ang usok at amoy ng nilulutong sibuyas, bawang at pritong pagkain. Maglagay ng exhaust fan o magluto sa labas ng bahay.
9. Maglinis ng bahay. Ang allergy ay nanggagaling sa mga dust mites, isang insekto na laganap sa ating bahay. Labahan kada isang linggo ang bedsheet, unan at kumot. Ibilad ang mga ito sa araw.
10. Umiwas sa lahat ng usok. Bawal na bawal ang usok at sigarilyo. Ipaalam sa lahat ng kamag-anak at kaibigan na bawal ang sigarilyo sa iyo. Umiwas din sa usok ng mga sasakyan.
11. Kumain ng prutas at gulay na nagpapalakas ng ating ugat at baga. Damihan ang pagkain ng dalandan, orange, mansanas, suha, ubas at blueberry. Puwede ring uminom ng Vitamin C tablet 500 mg kada araw.
12. Kumain ng mga isda na mataas sa omega-3 fatty acids, tulad ng sardinas, tunsoy, tamban, alumahan, hasa-hasa, tuna at tanigui. May Omega-3 fatty acids ito na makatutulong sa hika.
13. Kapag inaatake ng hika, subukan uminom ng matapang na kape o black coffee. Ang caffeine ay parang gamot na theophylline na nagbubuka ng mga tubo sa baga.
14. Umiwas sa softdrinks at vetsin. Puwede itong magpasimula ng hika, lalo na sa mga bata.
15. Mag-ingat sa sobrang lamig o sobrang init na panahon. Baka mag-trigger ng hika ito. Dapat ay katamtaman lang ang temperatura.
16. Mag-ehersisyo ng 3-5 beses bawat linggo. Subukang palakasin ang mga braso, dibdib at likod para lumakas ang masel sa paghinga. Puwede ring mag-swimming.
17. Gamitin ang tiyan sa paghinga. Dalawang paraan ang paghinga. Ang una ay ang paggamit ng dibdib. Ang pangalawa at mas epektibo ay ang paggamit ng tiyan (diaphragm o abdominal breathing). Humiga sa kama at ilagay ang kamay sa ibabaw ng tiyan. Sa iyong paghinga (inhale), dapat ay tataas ang kamay mo sa tiyan pero hindi tataas ang dibdib. Mas mapupuno ng hangin ang baga sa ganitong paghinga.
18. Maghugas palagi ng kamay. Umiwas sa virus at bacteria. Kapag tinamaan ng sipon at ubo, puwedeng sumabay ang atake sa hika.
19. Gumamit ng air-condition kung may sapat na pera. Puwede rin ang air filter.
20. Kapag madalas ang atake ng hika, magpatingin agad sa doktor. May mga taong nadisgrasya na dahil pinabayaan ang kanilang nararamdaman. May mga gamot (salbutamol tablet at inhalers) na makatutulong sa pagkontrol ng hika. May tulong din ang nebulizers na magpapaluwag sa paghinga.