Hindi lamang pala ang Pharmally Pharmaceuticals Inc. ang may “misteryosong” aktibidad sa bansa, marami pang Chinese company ang may hindi kanais-nais na ginagawa at kabilang diyan ang hindi pagbabayad ng tax. Sila ang mga kompanya na nakakopo ng kontrata sa pamahalaan para magsuplay ng personal protective equipments (PPEs).
Isa sa mga kompanyang ito ang Xuzhou Construction Machinery Group na nakakuha ng P2.23 bilyong kontrata sa pamahalaan sa pamamagitan ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM). Nabuking ang pagiging tax evaders ng Xuzhou Construction sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Miyerkules.
Bukod sa hindi pagbabayad ng tax, nahalungkat din na walang business permit sa Pilipinas ang Xuzhou at hindi rin ito nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Nang tanungin ang representative ng Xuzhou na si Robin Han kung paano sila nakapag-operate na walang kaukulang mga permit, sinabi nito na hindi sila direktang importer at ang PS-DBM umano ang nagsaayos ng kanilang clearances. Sinabi pa ni Han na nakabase sila sa China at walang opisina sa Pilipinas.
Maraming dayuhang kompanya ang nakikinabang nang malaki sa Pilipinas pero hindi nagbabayad ng buwis. Paano makakabangon ang bansa sa nangyayaring ito na maraming dayuhang kompanya ang tax evaders?
Kabilang din sa mga hindi nagbabayad ng tax ay ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Sila yung online gambling firms na nag-o-operate sa Pilipinas na ang mga karaniwang customer ay nasa labas ng bansa. Mga Chinese ang operators ng POGOs.
Ayon sa report ng Commission on Audit (COA) ay 15 POGOs ang hindi nagbabayad ng buwis na umaabot sa P1.3 bilyon. Ayon sa COA, walong POGOs na ang nakansela ang lisensiya dahil sa pagiging delinkuwente sa pagbabayad ng buwis pero nag-ooperate pa rin umano.
Nararapat nang palayasin ang mga dayuhang kompanya na hindi nagbabayad ng buwis. Pero bago palayasin at i-blacklist, singilin muna sila. Hindi na dapat hinahayaang makapagnegosyo sa bansa ang tax evaders. Habang sila ay nakikinabang, ang Pilipinas naman ay pilay na pilay. Kailangan ng bansa ang pondo lalo ngayong sinagasaan ng pandemya. Sa buwis din kinukuha ang pondo sa “Build, Build, Build Program”.