Dagsa ngayon ang imported na carrots, luya, repolyo, broccoli at cauliflower sa mga palengke sa Metro Manila. Galing China ang mga smuggled gulay na idinaan sa Subic port. Madaling mapansin ang mga imported na carrots at luya dahil malalaki ang mga ito.
Ang pagbaha ng mga imported gulay ay nagbigay ng pangamba sa mga maggugulay sa La Trinidad, Benguet. Tiyak na maaapektuhan ang kanilang kinikita kapag nagpatuloy ang pagbaha ng mga gulay mula sa China. Dahil mas mura ang mga smuggled na gulay, wala nang bibili sa lokal na ani. Ayon sa isang dealer ng carrots sa Benguet, dati ay 100 sako ang order sa kanila pero naging 30 sako na lang mula nang bumaha ang smuggled na gulay. Ayon sa Department of Agriculture, walang inaprubahang import permits ang Bureau of Plant Industry para sa importasyon ng gulay. Umaapela ang mga maggugulay kay Agriculture Secretary William Dar na aksiyunan ang pagdagsa ng mga smuggled na gulay.
Hindi lamang mga gulay ang babaha sa mga palengke sa Metro Manila kundi pati na rin mga isda. Dadagsa ang mga galunggong na galing China at Vietnam.
Inaprubahan na ni Secretary Dar ang importasyon ng 60,000 metriko tonelada ng galunggong. Sabi ni Dar, “We are doing a balancing act, wherein our primordial concern is to enhance and sustain the development of our fisheries sector, and provide our fellow citizens affordable fish on their table.”
Pero hindi ganito ang nakikita ng mga mangingisda. Ayon sa grupong Pamalakaya, ang pag-import ng isda ay pagpatay sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda. Nagbanta ang Pamalakaya na magsasagawa sila ng nationwide boycott campaign laban sa plano ng gobyerno na pag-import ng isda. Sabi ni Pamalakaya Spokesman Ronnel Arambulo, ikakampanya nila ang pagboykot sa imported na isda at hihikayatin ang mamamayan na tangkilikin ang local produce.
Hindi dapat mag-import ng isda ang Pilipinas dahil maraming pagkukunang karagatan. Hindi dapat mag-import ng gulay o bigas dahil malawak ang lupaing taniman. Hindi dapat umasa sa produce ng ibang bansa.