EDITORYAL - Kapos sa PPEs anyare?
PROBLEMADO ang isang pampublikong ospital sa Bulacan sapagkat kinakapos na sila ng personal protective equipments (PPEs). Ayon sa radio report, dahil sa kakapusan, nilalabhan na lang ng mga healthcare workers (HCWs) ang sinuot na protective suit para maisuot muli kinabukasan. Wala silang pampalit kaya kailangang gumawa ng paraan.
Kailangan bang mangyari ito? Sabi ng Department of Health (DOH), sapat ang PPEs na sinusuplay sa mga government hospital. Kung sapat bakit ganito na kailangang labhan pa para may magamit muli ang HCWs? Masyado nang nakakahabag ang kalagayan ng HCWs na hindi na naibibigay sa oras ang kanilang special risk allowance (SRA) at iba pang benepisyo ay salat pa rin sa PPEs na lubha pa namang mahalaga para hindi mahawahan ng virus.
Sa ganitong sitwasyon na kinakapos ang PPEs, lumulutang ang mga katanungan na dapat bang umimporta nito ang bansa gayung marami namang local na kompanya na maaring gumawa ng mga ito. Bakit kailangang ang Pharmally Pharmaceutical Incorporated na kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado dahil sa overpriced na face masks, ang piniling magsuplay ng PPEs?
Marami namang company ang may kakayahang gumawa ng PPEs. Kung mga local company ang gagawa, magkakaroon pa ng trabaho ang mga Pilipino. Kung gawang Pinas na ang personal protective equipments (PPEs) gaya ng face masks, medical-grade seam-sealed coveralls, isolation gowns, at head and shoe covers, hindi magkakaroon ng kakapusan gaya ng nangyayari ngayon sa mga ospital. May limang local company sa bansa na gumagawa ng PPEs.
Noong nakaraang taon, sinabi ng Department of Health (DOH) na ang mga local manufacturers ng PPEs ang bibigyang prayoridad ng gobyerno. Makikipag-ugnayan umano sila sa Coalition of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP) at Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) para sa mga PPE. Ayon pa sa DOH, sa ilalim ng ratified version ng Bayanihan to Recover as One Act, ang local manufacturers ng PPE ang prayoridad sa pagsusuplay sa mga ospital.
Subalit hindi nangyari ito sapagkat nakopo ng Pharmally ang kontrata sa gobyerno para mag-supply ng PPEs na galing din naman pala sa China at may kamahalan pa.
Marami sanang PPEs sa mga ospital ngayon kung mga local na kompanya ang gumawa at may mga trabaho pa ang mga Pinoy.
- Latest