KAMAKALAWA (Setyembre 8), ang ika-129 anibersaryo ng pagsilang kay Justice Natividad Almeda-Lopez. Feminist siya nu’ng naghahari ang lalaki sa Panahon ng Amerikano, nagsulong ng karapatan ng kababaihan na bumoto at mahalal, at unang huwes na babae sa Pilipinas.
Panganay na tita siya ng aking ina. Dahil marahil sa kanya, matatapang at matatatag ang mga babae sa aming pamilya – mga aktibista, pinuno ng propesyon at negosyo, at haligi ng mga tahanan.
Sinilang si Lola Naty nu’ng 1892. Paslit siya nang naging kolonel sa Katipunan ang amang si Manuel Almeda ng Biñan, Laguna. Lumaki sa bukirin ni nanay Severina Lerma ng karatig bayan ng Sta Rosa. Nu’ng nagdalaga siya napansin ng magulang na mabilis maubos ang pagkain nila. Ipinamimigay pala niya sa mga maralitang buntis at sanggol.
Taong 1913 una siyang babaeng pumasa sa bar exam, pero pinaghintay ng isang taon bago mag-“hustong edad” sa abogasya. Naging una siyang abogada na dumepensa sa korte sa isang kabaro.
Sa edad-26 pinagsalita siya sa harap ng puro lalaking mambabatas sa Philippine Assembly. Ipinaliwanag niya na magsinggaling ang babae at lalaki sa serbisyo publiko at pagpili ng karapat-dapat na pinuno.
Nu’ng maging huwes sa Manila itinalaga siya sa night court. Sa awa sa mga maralitang nakukulong, siya ang nagpipiyansa o nagbabayad ng multa nila. Sumikat siya sa mga natulungang kutsero at malimit alukin na sumakay nang libre. Parati siyang tumatanggi.
Nu’ng 1961, hinirang siyang mahistrado ng Court of Appeals. Tatlong beses siyang ginawaran ng Presidential Medal of Merit dahil sa pagsulong ng karapatan ng kababaihan, at husay sa Hudikatura.
Sa edad 30, napangasawa niya ang biyudong abogadong gobernador Domingo Lopez ng Tayabas. Abogado rin ang tatlong anak na sina Marita, Lulu, at Jake. Pumanaw siya sa edad na 84 nu’ng Enero 22, 1977. Patuloy pa ring nagpapakain ng mga maralitang buntis, sanggol at ulila ang ospital na itinatag niya sa Rizal Avenue, Manila.