Materyalismo ang buod ng Komunismo. Hindi lang kinontra nina Marx, Lenin, Stalin at Mao ang pagkakaroon ng Diyos, tinuring pa nilang “opyo ng masa” ang pagsampalataya. Komunismo ang relihiyon para sa kanila.
Sinupil ang Kristiyanismo bilang “dayuhang ideyolohiya” nu’ng 27 na taong pamumuno ni Mao Zedong. Kumontra kasi ang maraming pari at pastor sa karahasan ng Komunismo nang maagaw ng Chinese Communist Party ang kapangyarihan nu’ng 1949. Pero miski binawal ang Kristiyanismo, lumaganap ito sa pamamagitan ng mga sikretong “home churches” na nagmi-Misa at Bible studies.
Medyo lumuwag ang CCP sa sampalataya nu’ng mamatay si Mao. Kinilala ang limang relihiyon: Buddhism, Taoism, Islam, Katoliko, at Protestante. Pero sa mga probinsiya na dumami ang simbahan, winasak ang Krus ng mga kapritsosong CCP provincial chairmen.
Seloso sa loyalty ang CCP. Nu’ng sumikat ang Falun Gong sa mga lungsod, pinag-initan nito ang mga Buddhists. Nu’ng nagsimulang umaklas ang mga Uighurs laban sa pang-aapi ng Komunista, sinara ang mga Muslim mosques nila.
Minsan nagkasabay bumisita sa America sina Chinese President Xi Jinping at Pope Francis. Pinagsalita sa joint session ng US Congress sa Washington DC ang pinuno ng 2.3 bilyong Katoliko, karangalang ipinagkait kay Xi. Para hindi matalbugan sa kasikatan at paggalang ng madla kay Francis, nanatili muna si Xi sa Seattle hanggang makaalis ang Pope. Inggit umano si Xi na 130 milyon ang Katoliko sa China, mas marami kaysa 90 milyong miyembro ng CCP.
Sapilitan pinaalis ni Xi ang mga “dayuhang aspeto” ng Kristiyanismo. Ipinasingit ang mga kaisipang Chinese. Pinagawang Chinese ang disenyo ng mga simbahan at kapilya. Pati mga poon at awit ay dapat Chinese ang estilo at tono. Pinakahulugang Chinese ang pag-aaral ng Bibliya. Pinapayag ang Vatican sa kasunduan: luluwagan ang Katolisismo basta paaprubahan muna sa CCP ang mga obispo.