Huwag na nating pairalin ang ingay ng pulitika dahil hindi ito tungkol sa pulitika kundi sa kapakanan ng libu-libo nating mamamayan mapanasa pinakadulu-duluhang lupalop man ng bansa o nasa tinatawag na urban jungle sa mga siyudad.
Lahat tayo ay nangangailangan ng tulong lalo na sa ating medical needs lalo na pag may naospital sa atin o sa mga miyembro ng pamilya.
Kadalasan tayo ay talagang namumroblema saan tayo kukuha ng pambayad sa ospital lalo na kung malaki na ang bill na inabot ng ating hospitalization.
Kaya dapat nating isipin ang pakinabang na makukuha ng mga mamamayang Pilipino sa itinatag na Malasakit Centers ng ating pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Napakalaking tulong ng Malasakit Centers na ito lalo na sa panahon ng pagpapaospital.
Totoo, si Senador Bong Go at si Pangulong Duterte ang nagpasimuno sa pagtatatag ng 130 Malasakit Centers ngayon sa buong bansa at ang kapakanan nating mga Pilipino ang iniisip ng inisyatibong ito.
Sa loob ng isang Malasakit Center ay nandun ang lahat ng mga ahensya ng pamahalaan na puwede nating lapitan pag kailangan natin ng tulong o kung wala tayong pambayad sa mga ospital.
Nandun ang opisina ng Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office at iba pang puwedeng nating lapitan na hindi na natin kailangan pang pumunta sa kani-kanilang mga opisina kasi nasa one-stop shop na sila sa Malasakit Center.
Ang tanging kailangan natin upang makakuha ng tulong sa Malasakit Center ay ang medical abstract, hospital bill at kung ano pang ibang requirement upang tayo ay matulungan.
Kaya naman napakalaking tulong ng Malasakit Centers sa ating mga mamamayan. Gamitin natin ito dahil ito ay para sa ating lalo na sa mga walang-wala sa buhay.