Ang pinakamatibay na ebidensiya ng isang kasal ay ang mismong kasamiyento o marriage contract. Pero paano kung ang kontrata mismo ang mali dahil hindi totoo ang pinalabas na pagkatao ng isa sa ikinasal. Puwede kayang basta burahin o kanselahin ang nakasulat sa marriage contract? Ito ang sasagutin ng kaso ni Ruth.
Si Ruth ay isa sa mga batang career woman na pumili ng propesyong mataas ang naging suweldo sa isang pharmaceutical company. Kahit pa subsob ang ulo niya sa trabaho, hindi niya nakakalimutan na magkaroon ng lovelife.
Nakilala niya si Randy at naging magsiyota sila matapos ang limang taon na pagliligawan. Kumbinsido ang dalawa na para talaga sila sa isa’t isa kaya tinanggap ni Ruth ang alok ni Randy na kasal.
Bago sila makapagpakasal ay kailangan muna ni Ruth na kumuha ng certificate of no marriage sa National Statistics Office (NSO) para mapatunayan na dalaga pa siya at walang asawa.
Nagulat si Ruth nang madiskubre sa certificate ng NSO na kasal na siya sa isang Koreano. Naganap daw ang kasal sa Cebu City Municipal Trial Court (MTCC). Dahil sa nangyari, kailangan pa tuloy magsampa ng petisyon ni Ruth sa korte para kanselahin ang entries sa kontrata ng kasal alinsunod sa Rule 108 ng Rules of Court para mabura ang lahat ng maling impormasyon tungkol sa sinasabing asawa.
Sa paglilitis, itinanggi ni Ruth na nagpakasal siya sa Cebu. Hindi nga raw niya kilala si Kim Park. Ipinaliwanag din niya na wala siya sa Cebu nang petsa at araw ng sinasabing kasal upang humarap sa huwes dahil naroon siya sa opisina niya sa Makati at nagtatrabaho.
Pero inamin niya na kilala niya ang mga nakasulat na testigo ng kasal nang minsan siyang magtrabaho bilang receptionist sa isang hotel. Ang kutob niya, ginamit ng isang travel agency ang mga impormasyon na binigay niya nang minsan siyang kumuha ng passport dito.
Kinausap din niya ang isang tauhan ng korte ng Cebu para tumestigo at patunayan na bagama’t may babaing dumating at humarap sa huwes nang araw na ginanap ang seremonyas ng kasal ay hindi si Ruth ang babaing sinasabing naging misis ni Kim Park.
Isang document examiner din ang tinawag upang patunayan na peke ang pirma sa marriage contract. Base sa mga nabanggit, nagdesisyon ang korte pabor kay Ruth at ipinag-utos na kanselahin/itama ang mga detalye ng marriage contract.
Kinuwestiyon ng Republika ng Pilipinas ang desisyon ng korte. Ayon sa kanila, hindi basta error ang babaguhin dahil ang taong humarap at nagpakilala na siya si Ruth ang nagsumite ng mga impormasyon ng kasal.
Dagdag pa rito, sa gagawin ng korte na pagkansela sa lahat ng impormasyon patungkol sa misis ay para na ring pinawalambisa ng korte ang kasal sa Cebu na hindi basta magagawa sa simpleng petisyon alinsunod sa Rule 108. Tama ba ang Republika ng Pilipinas?
MALI. Kahit pa mabibigat na pagkakamali sa civil registry ay maitatama sa pamamagitan ng petisyon sa ilalim ng Rule 108 basta’t mapapatunayan ang katotohanan sa tamang paraan.
Sa kaso ni Ruth, napatunayan niya na hindi siya kailanman nagpakasal at wala siyang kamalay-malay sa kasal na naganap. Ang pagpapatunay ng mga testigo pati na ang ebidensiyang isinumite ay sapat upang ideklara na ang tanging ebidensiya ng kasal – ang marriage contract ay huwad o peke.
Kahit pa sabihin na hindi puwedeng gamitin ang Rule 108 para mapatunayan ang legalidad ng kasal, ang paglilitis sa korte ay hindi rin puwedeng isantabi dahil lahat nang sangkot ay binigyan ng pagkakataon para kuwestiyunin ang mga paratang ni Ruth.
Ayon din sa records, sinunod ang mga proseso at lahat nang ebidensiya ay tinanggap at masusing pinag-aralan ng husgado. Hindi hinahabol ni Ruth ang pagpapawalambisa ng kasal dahil wala naman talagang kasal na naganap, kung tutuusin.
Ang gusto lang niyang mangyari ay itama ang mga record ng kasamiyento ng kasal para ipakita ang katotohanan na inilahad ng ebidensiya.
Sa ipinag-utos ng husgado na pagkansela at pagtatama sa record ng kasal patungkol sa misis, hindi kailanman ipinag-utos ng korte na walang bisa ang kasal dahil nga wala naman talagang kasal na naganap (Republic of the Philippines vs. Merlinda L. Olaybar, G.R. No. 189538, February 10, 2014).