Unang isyu. Kaguluhan ang banta ng Winston Magpali gun-for-hire group na paunang nabayaran umano ng P2 milyon upang iligpit si 2nd District Rep. Sandra Eriguel at dalawa pang pulitiko.
Dalawang linggo nang hinahabol ang Magpali group pero hindi makita ng PNP. Well-oiled killing machine ang grupo na mga dating pulis ang miyembro.
Kaya kaya ni Ilocos Region police director Brig. Gen. Emmanuel Peralta at Cordillera region police director Brig. Gen. Ronald Lee ang Magpali group? E si Cagayan police director Brig. Gen. Crizaldo Nieves kaya kaya ang grupo ni Magpali.
Matunton sana ang pulitikong umaaruga sa grupong ito sa La Union. Hindi matatahimik ang La Union hangga’t may mga halang ang kaluluwa na tulad nina Magpali na papatay dahil sa salapi!
Ikalawang isyu. Poot ang namamayani sa mga miyembro ng San Fernando City council dahil sa pagtatalaga ni Mayor Herminigildo Gualberto Jr. kay Gary Glen Fantastico bilang administrator noong Nobyembre 2020 sa kabila ng final conviction nito.
Hindi lamang San Fernando City council ang nagtanggal kay Fantastico kundi mismong Civil Service Commission matapos mabuking ang pinal na hatol ng Supreme Court dahil sa kasong attempted murder noong Hunyo 2015. Inireklamo si Fantastico kasama ang 1 judge, 1 prosecutor at 1 abogado sa Ombudsman noong Hulyo 5, 2021.
Ang naghain ng reklamo laban kay Fantastico at iba pa ay sina San Fernando City Councilors Rizalde Laudencia at Antonio Jucar.
Ang aksiyon kina Fantastico at iba pa ay paghamak sa criminal justice system ng bansa.
* * *
Para sa suhestyon: art.dumlao@gmail.com