EDITORYAL - Maraming estudyante ang walang alam

Nakaaalarma ang report ng World Bank na 80 percent ng mga Pilipinong estudyante ay hindi nakaaabot sa minimum proficiency level. Ayon sa WB, maraming estudyanteng Pilipino ang walang alam. Napakababa ng resulta ng kanilang nakukuha sa larangan ng Mathematics at Science. Ayon pa sa WB, sa 79 na bansa, kulelat ang Pili­pinas sa Reading at pangalawa lamang sa Science at Mathe­matics.

Nakaabot sa Malacañang ang report na ito ng WB at maski si Presidential Spokesperson Harry Roque ay nagsabing very disturbing and very alarming ang nangyayaring ito. Pero sabi ni Roque, huwag daw mag-alala dahil pinag-aaralan na kung ano ang sinasabi ng report at titingnan kung paano mababago ang curriculum. Gagawa raw ng reporma ang DepEd ukol sa nakaaalarmang report. Pag-aaralan umano ito ni DepEd Sec. Leonor Briones para mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Ang kahinaan ng mga Pilipinong estudyante ay nakita sa mga isinagawang assessments noong 2018 at 2019. Naki-participate ang Pilipinas sa Program for International Student (PISA) noong 2018 at sa Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) noong 2019. Sumali rin ang bansa sa first cycle ng Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) noong 2019. At sabi ng WB, hindi alam ng mga estudyanteng Pinoy ang mga dapat nilang malaman sa school.

Sinabi pa ng WB na may krisis sa edukasyon­ sa Pilipinas bago pa magsimula ang coronavirus di­sease­ noong 2019 at lalong lumala habang nana­na­lasa ang pandemya. Ayon pa sa report, 10 hanggang 22 percent lamang ng mga estudyante sa Grade 4, 5, at 9 ang naka-score ng above minimum proficiency.

Nararapat na gumawa ng hakbang ang DepEd sa nangyayaring pagbaba ng kalidad ng edukasyon na nagre-reflect sa mga estudyante. Kailangan ang masusing pag-aanalisa kung saan nagkukulang. Dahil ba sa ang mga guro ay walang kasanayan? Hindi dapat mangyari ito sapagkat ang DepEd ang may pinakamalaking budget. Tutukan din ang mga textbooks at modules na natutuklasang maraming mali at may malalaswang nilalaman o mga salita.

Hindi dapat mangulelat ang mga estudyanteng Pinoy. Dapat kumilos ang DepEd habang maaga pa.

Show comments