Ibasura ang necropolitics

ISA rin akong kritiko ni yumaong dating Presidente Noynoy Aquino noon lalo na nang siya’y Presidente pa. Marami siyang kamalian noon na dapat punahin, hindi sa layuning manira kundi upang maituwid ang mali. Pero ang ibang kaalyado ni Presidente Duterte ay lalo pang tumindi ang pambabatikos at panlalait sa namayapang dating Pangulo.

Weird ang pulitika sa Pilipinas. Kung kailan namatay na ang isang kalaban sa pulitika ay doon pa ito binabatikos at nilalait. Hindi na nirerespeto ang alaala ng isang namayapa na. Nagpahayag na ng pakikidalamhati si President Duterte sa mga inulila ng yumaong dating Presidente Noynoy. Kinilala niya ang “mabuting” pamamahala nito sa bansa kasabay ng pagdedeklara ng National Day of Mourning.

Hindi lang paninira ang nababasa natin at naririnig sa social media kundi tandisang pang-aalipusta. Sa unang araw ng pagkamatay ni Noynoy, sumulat ako sa aking FaceBook account: Huwag nang gamitin sa pamumulitika ang pagkamatay ng dating Presidente.

Kasunod nito, hindi nagkabula ang hinala ko na patuloy siyang lalaitin ng mga katunggali sa pulitika. Kesyo sasamantalahin daw ng mga “dilawan” ang pagkamatay ni Noynoy upang si Kris Aquino ang maging susunod na Presidente. Katulad ng pagkamatay ng kanyang amang si Ninoy na nagluklok sa puwesto ng pagka-Pangulo kay Cory Aquino na nang mamatay ay umani ng simpatiya sa mamamayan na nagluklok naman kay Noynoy.

Ang masasabi ko lalo na sa mga trolls na supporter ni Presidente Duterte sa social media, sa ginagawa ninyong pang-insulto sa mga Aquino, malamang talaga na baka lalong bumaling ang simpatiya ng marami kay Kris Aquino kapag nagdesisyon itong tumakbo sa pagka-Presidente.

Ayaw kong mangyari iyan dahil dapat, ang mga Pilipino ay bumoboto base sa kung ano ang tama at makabubuti at hindi dahil sa awa. Ibasura na ang kulturang necropolitics.

Show comments