Ang sakit na diabetes ay puwedeng magkaroon ng seryosong kumplikasyon. Karamihan ng may diabetes ay kulang sa kaalaman kung anong pagkain ang puwedeng kainin at kung ano naman ang dapat iwasan.
Kung gusto ninyong makaiwas sa diabetes, narito ang listahan ng mga puwede ninyong kainin.
1. Carbohydrates – Ang carbohydrates tulad ng kanin, tinapay at spaghetti ay nagbibigay ng lakas sa atin. Ngunit pinapataas nito ang ating blood sugar. May mga carbohydrates na mas mainam para sa may diabetes. Ito ay ang brown rice, wheat bread at spaghetti. Limitahan lang ang pagkain ng fried rice o sinangag, white bread at French fries.
2. Protina at karne – Piliin ang karneng hindi gaanong mataba. Tanggalin ang mga nakikitang taba sa baboy at baka bago ito lutuin. Mas piliin ang mga protinang galing sa gulay tulad ng tofu, tokwa at beans. Ang manok at turkey ay mas healthy kumpara sa baboy at baka.
3. Gulay at prutas – Karamihan ng gulay at prutas ay mataas sa fiber, bitamina at minerals. Sa bawat araw, kumain tayo ng 2 tasang gulay at 2 tasang prutas. Puwedeng mas marami ang kainin ng mga lalaki at matatangkad na tao, at mas konti naman ang kainin ng mga babae at bata.
Sa mga may diabetes, bawasan ang pagkain ng kanin at palitan ito ng mas maraming gulay.
Sa paghahanda ng ensalada, mag-ingat din sa paggamit ng mayonnaise at Thousand Island sauce na nakatataba. Suka na lang ang sawsawan.
Mas piliin ang mga pagkaing nakalista sa Titik A at bawasan ang pagkain ng mga nakalista sa Titik B.
A:
Brown rice
Wheat bread
Baked potato
Spaghetti
Nilaga o inihaw na karne
Sa karne, piliin ang tenderloin at sirloin
Tofu, tokwa, beans
Manok o turkey
Inihaw, steamed o sinigang na isda
Sari-saring gulay
Prutas tulad ng mansanas, peras at saging.
B:
White rice, sinangag at fried rice
White bread
French fries
Mami, miki
Pritong baboy at baka
Huwag piliin ang ribs at T-bone
Bacon, ham, hotdog, salami
Balat ng manok
Pritong isda
Gulay na nilagyan ng butter
Delatang prutas at matatamis na fruit juices