Gusto mo rin bang makakita ng alien mula outer space?

Pinaka-nakakakilabot sa tao ang tapik ng hindi alam kung ano o sino, ani Elias Canetti sa 1960 librong “Crowds and Power”. Para maigpawan ang kilabot at dahil sa pagka-mausisa, instinct sa tao na lalong dumidikit sa anumang kinatatakutan. ‘Yan marahil ang dahilan kaya ineenkuwentro ng tao nang malapitan ang mga ‘di-maunawaan pero kamangha-manghang unidentified flying objects (UFO).

Sa pag-aral ng UFOs sinusuri ang mga enkwentrong ‘di lalayo ng 500 piye o 150 metro. Kasi mas malamang na hindi malikmata o guni-guni. Sa 1972 librong “The UFO Experience: A Scientific Experience”, kinategorya ni astronomer J. Allen Hynek sa anim ang mga enkuwentro:

• Nocturnal Lights - mga ilaw sa himpapawid sa gabi;

• Daylight Discs - mga mala-plato o pipa sa araw;

• Radar Visual - natala ng radar ang hugis, bilis, direksiyon;

• Close Encounter of the First Kind - kita ang korte, anggulo, mga bahagi atbp. detalye;

• Close Encounter of the Second Kind - Nagdulot ng pisikal na epekto, halimbawa napahinto ang kotse o electronic device, reaksiyon ng hayop, masamang pakiramdam o kakaibang kilos, init o bakat; at

• Close Encounter of the Third Kind - nahawakan, naka­usap o nagka-palitan ng kaalaman sa ibang “buhay” (alien) sa UFO. Naging tema ito ng 1977 pelikula na gan’ung pamagat, consultant si Hynek.

Nagdagdag si ufologist ng anim pang sub-categories:

A, o Aboard - kita ang alien sa loob ng UFO;

B, o Both -kita ang alien sa loob at labas o lapag;

C, o Close - Gumala ang alien mula UFO malapit sa saksi;

D, o Direct - Wala nang UFO, bakas na lang, at lumapit ang alien;

E, o Excluded - Enkwentro sa alien pero walang UFO o bakas; at

F, o Frequency - Walang alien o UFO pero may “komunikasyon”.

(Bukas: Komunikasyon ng mananaliksik sa sinuman sa outer space)

Show comments