Makasaysayang alipin ni Magellan

“Then the battle began at dawn, bolos and spears versus guns and cannons; when Magellan was hit on his neck, he stumbled down and cried and cried....” Naganap ang Labanan sa Mactan 500 taon noon ng April 27. May eksenang wala sa awit ni idol kong Yoyoy Villame. ‘Yon ang matinding pagtutol ng alipin ni Ferdinand Magellan­, ang Malay na bininyagang Enrique, sa paggiyera sa mga kalahi niyang kayumanggi. Nasa barko lang si Enrique, na ani historian Carlos Quirino ay kapwa-Cebuano ni Lapu­lapu.

Nang mapatay si Magellan, tinalikuran ng bayaw niyang Duarte Barbosa ang huling habilin na palayain ang alipin. Iginiit ni Barbosa na dapat daw manahin si Enrique ng kapatid niya, asawa ni Magellan. Sa galit, tumalon sa dagat si Enrique at bumalik sa pusod ng Malay Empire, na ngayo’y Pilipinas, Indonesia, Malaysia at Brunei.

Nabihag si Enrique ni conquistador Magellan sa Mo­luc­­cas sa kapuluang Malay, taong 1511. Inalipin ang 14-anyos at iniuwi sa Europe. Dumaan sila sa Indian Ocean, ang alam lang na rutang dagat pa-Asia. Nu’ng 1519 pinondohan si Magellan ng hari ng Spain subukan ang bagong ruta sa Atlantic at Pacific Oceans. Tapos uuwi siya via Indian Ocean. Magiging unang tao siya na iikot sa mundo. Tatanyag siya.

Isinama ni Magellan si Enrique sa expedition. Dumanas sila ng hirap, bagyo, mutiny, sakit at gutom sa pagtawid sa malawak na Pacific.

Sa wakas, makalipas ang dalawang taon, March 16, 1521, narating nila ang isla ng Homonhon. Hinang-hina na sina Magellan sa uhaw at pagtatae. Kinausap ni Enrique sa Malay ang mga taga-isla. Agad binigyan sila ng buko at pagkain. Nanumbalik ang kanilang sigla.

Nang mapatay si Magellan sa Mactan tumalilis ang mga natitirang tauhan pauwing Europe, via Indian Ocean. Kaya sina Kapitan El Cano, Padre Pigafetta at 16 na crew ang kinilalang unang circumnavigators.

Mali sila. Si Enrique na Malay ang unang nakaikot. Nang dalhin siya sa Europe mula Moluccas, nakalahati na niya ang biyahe. At nang bumalik siya sa kapuluan via Atlantic at Pacific, nabuo ang ikot. O di ba?

Show comments