Gorbachev mas minahal ang asawa kaysa poder

Maraming librong tumatalakay sa kolapso ng Soviet Union nu’ng 1988-1991 at pagkalaglag ni President Mikhail Gorbachev. Kesyo dahil ‘yon sa away ng 11 republika kontra sa pamahalaang sentral sa Moscow. Kesyo dahil naubos ang pera ng Soviet Union sa paligsahan ng armas sa America. Kesyo hindi na napapanahon ang sosyalismo o angkop sa ugali ng tao. Kesyo maraming mali si Gorba­chev. Kesyo sumabog sa mukha ng mga kalaban niyang maka-diktadurya ang kudeta laban sa kanya at sa halip ay nanaig ang demokratikong paksiyon ni Boris Yeltsin.

Ang kakaibang katotohanan ay ang naganap matapos magbitiw si Gorbachev. Sunud-sunod ang mga nakatakdang parangal sa kanya. Pero lahat ay tinanggihan niya. May mas mahalaga siyang aasikasuhin. At ‘yon ay ang pag-aalaga sa asawa nang 50 taon, si Raisa Maksimovna.

Kalilitaw lang noon ng masakit at malubhang leukemia ni Raisa. Nabatid nila ‘yon sa mahabang biyahe sa ero­p­lano min­sang sumama si Raisa sa asawa tawid-dagat. Tina­­ningan siya ng mga doktor. Pinasya ng mag-asawa na lubusin ang mga natitira nilang panahon ng pagsasama.

Malimit bumisita si Gorbachev sa ospital. Pinapanood lang niya si Raisa matulog sa loob ng plastic oxygen tent, o kaya’y nag-uusap nang senyas ng kamay. Masakit sa buto at masama sa impeksiyon mahipo si Raisa. Kung nais nilang mag-holding hands, naka-guwantes ang lalaki.

Minsan tiniis ni Raisa na walang painkillers, at pinabuksan ang plastic bubble. Magdamag silang nagkuwen­tuhan tungkol sa kabataan nila. Nagkakilala sila sa paman­tasan kung saan pareho silang aktibista. Mahilig sa makina at traktora si Mikhail at nagtapos ng abogasya. Si Raisa na palabasa ay nag pilosopiya. Ikinasal sila at may isang anak. Bilang first lady itinaguyod ni Raisa ang kulturang Russia at mga ulila.

Pumanaw si Raisa nu’ng 1999. Inusisa si Gorbachev sa pagiging makapangyarihan. Aniya wala ‘yon kumpara sa pag-ibig niya kay Raisa. Nag-iisa siya sa ngayon, edad-90, sa maliit na bahay, nagmumuni-muni.

Show comments