Retiradong sundalo niloko ng Silver Finance
Anong klaseng tibay ng sikmura at lamanloob mayroon ang isang negosyo na ang niloloko ay retiradong sundalo?
Mantakin n’yo, 38-taong nanilbihan para sa bayan para proteksiyunan ang bansa pagkatapos ay gagantsuhin lang.
Eto ang sumbong ng retiradong sundalo na si Sgt. Jaime Castillo nang lumapit sa BITAG. Pagkatapos manilbihan bilang sundalo ay pinili nitong maging magsasaka.
Nag-loan umano siya sa Silver Finance Inc., isang financial institution na kilalang nagpapautang sa mga retiradong sundalo at pulis. On time at walang palya si Castillo sa pagbabayad.
Naka-auto debit naman daw kasi ang bayad sa kanyang pensiyon kaya buwanan ang pagbabawas nito.
Dalawang buwan ang nakalipas, isang tawag daw, magandang balita ang natanggap ni Castillo mula sa Silver Finance Inc.
Siya raw ay nanalo ng P40,000 sa raffle na ginawa ng kompanya.
Isang Victor Pascual umano ang kanyang nakausap. Agad daw siyang pinapunta sa Cabanatuan Branch para makuha ang kanyang premyo.
Sinunod niya ang instructions at nakuha naman niya ang tseke na may P40,000.
Wala umano siyang pinirmahang anumang dokumento. Basta inabot sa kanya ang tseke at sinabing walang babayaran kahit magkano dahil premyo ito.
Tatlong taon ang nakalipas, natapos ang loan ni Castillo sa Silver Finance. Laking gulat niya kung bakit tuluy-tuloy pa rin ang bawas ng Silver Finance sa kanyang pensiyon.
Mahigit isang taon pang nagtuluy-tuloy ang pagbawas ng pera sa pensiyon ng retiradong sundalo. Higit P100,000 na ang nakuhang pera sa pensiyon ni Castillo.
Napag-alaman niya na ang P40,000 na ibinigay sa kanya ay hindi premyo kundi loan daw! Dito na siya nagdesisyong lumapit sa BITAG.
Nakausap ng BITAG ang Silver Finance sa Cabanatuan, si Victor Pascual mismo ang tumanggap ng aming tawag.
Wala raw silang pa-raffle at may pinirmahang mga dokumento ang sundalo na loan ang P40,000.
Ayon kay Castillo, walang pinapirmahan sa kanya kaya sigurado siyang palsipikado ang mga dokumentong sinasabi ni Pascual.
Malinaw ang panloloko! Ang tibay ng apog n’yo!
Manghihimasok ang National Bureau of Investigation-Anti Fraud Division upang suriin ang mga specimen ng mga dokumento kung pineke lamang ang mga pirma ng sundalo.
Ang Department of Trade and Industry rin ay manghihimasok dahil sa isyung deceptive practice dahil sa paggamit ng raffle promo.
Kayo sa Silver Finance, hindi pa ako sa inyo. Pinagtataguan at pinagpapasa-pasahan n’yo ang tawag namin? May kalalagyan kayo!
- Latest