Matapos likhain ng Diyos ang planeta, ipinasyal Niya rito si Miguel Arkanghel. “Tatawagin Ko itong Mundo, at pupunuin Ko ng Balanse.” Tinanong ni San Miguel kung ano ang Balanse, at ipinaliwanag ng Diyos. “Ehemplo ‘yang hilagang Uropa na ginawa Kong mayaman at maunlad, pero malamig at malupit ang panahon. Samantala doon sa timog Uropa ay maralita, pero maaraw at kaiga-igaya.”
Inikot nila ang mga kontinente. “May mga ginawa Akong sagana sa tubig, at iba naman ay tuyot na disyerto. Dito ay sobrang init, at doon ay todo-lamig sa kapal ng yelo.” Namangha si San Miguel sa Mundo. Napansin niya ang kulumpong ng mga isla at tinanong kung ano ‘yun.
“’Yan ang Pilipinas, ang pinakamagandang pook sa Mundo,” ibinida ng Diyos. Diyan magaganda ang mga baybayin, ilog, bundok, at gubat. Puro maririkit ang tao sa Pilipinas. Mapagkumbaba, matalino, masayahin, at magiging pala-biyahe sa buong mundo. Lubhang mapagkaibigan sila, masipag, at matayog ang mararating sa buhay. Kikilalanin sila sa Mundo bilang sugo ng Kapayapaan at Pagmamahal.
Napahanga si San Miguel, pero naalala, “Nasaan ang Balanse? Sabi Mo po dapat palaging may Balanse.” Ngumiti ang matalinong Diyos at kumindat, “Abangan mo ang mga pinunong iluluklok nila sa gobyerno.”
Napakahalaga ng Balanse sa buhay natin – para sa kalusugan at katiwasayan. Mali ang puro trabaho o aral: malalanta tayo. Mali rin ang puro goodtime o laro: mawawalan tayo ng direksiyon. Dapat sapat ang oras ng pahinga, tulog, kain, at paglilinis sa katawan at isip.
Sa pagkain sinisikap natin merong carbohydrates, protein at fats, mula sa karne o gulay o kanin. Kung kulang ang iba, matamlay tayo.
Mali, malungkot kung puro sarili ang inaasikaso. May ligaya sa pagtulong sa iba – kamag-anak, kaibigan o estranghero.
Nakakagalak ang pagkatanyag, at kilalanin ng iba ang mga nagawa natin. May kagalakan din sa pananahimik at panonood sa iba.
Masarap tumawa. Minsan dapat ding lumuha: pangsayad sa lupa.