Kayo ba ay certified na plantita o plantito? Ganun din kami ng pamilya ko! Nang nagka-lockdown, bigla tayong lahat nagkaroon ng oras para sa maraming mga bagay na dati’y hindi natin pinapansin. Isa na rito ang gardening o paghahalaman. Kasama sa mga mas nahilig sa paghahalaman ang aking biyenan na otsenta anyos na!
Bilang katuwaan, hinamon ng aking mister ang aming mga anak at kanilang lolo sa isang contest kung sino ang makakapagpalago ng pinakaraming gulay sa kani-kanilang lugar sa aming bakuran.
Pag-aalaga ng mga halaman at pagpapalaki sa mga anak
Kaya naging family bonding activity na namin ang paghahalaman. Masarap sa pakiramdam na magkakatabi kaming nagtatanim at nagsasaya kapag namumunga na ang aming mga pinaghirapan. Umani kami ng okra, spinach, litsugas, talinum, kangkong, at iba pang uri ng gulay at herbs.
Kaya kung gusto ninyong kumain ang inyong mga anak ng maraming gulay, kumbinsihin ninyo silang magtanim. Magugustuhan pa nilang kainin ang mga gulay na sila mismo ang nag-alaga. Higit sa lahat, mas matututunan nilang magpasensiya, magtiyaga at maging responsable mula sa pagtatanim ng gulay kaysa sa mga pagsesermon natin. Hindi mo puwedeng madaliin ang isang tanim na tumubo agad. Kailangan mo itong alagaan at bigyan ng panahon bawat araw, na gaya ng iba pa nating mga plano sa buhay.
Binhi ng pag-asa
Para sa iba, libangan lang ang pagtatanim. Sa iba naman, ito’y importante para may mapagkunan ng pagkain. Para sa mga hirap sa buhay, isang araw lang na walang kita, gugutumin na ang kanilang pamilya. Pero pag mayroon kang tanim na gulay sa iyong bakuran, kahit paano, siguradong mayroon kang makakain.
Ito ang kuwento ng mga nanay sa Barangay Botocan sa Quezon City. Dahil sa pandemya, nawalan sila ng trabaho, o nabawasan ng kita ang kanilang mga mister. Walang suweldo, walang ipon at walang paraan para kumita dahil naka-lockdown. “Iniisip namin ng asawa ko, paano kami kakain?” pag-aalala ni Edelwina Bumacod.
Dahil pansamantala lang at hindi pangmatagalang solusyon ang pamimigay ng relief goods, nagpasya ang Food Security Task Force ng Quezon City government na bisitahin ang komunidad sa Brgy. Botocan at mamigay ng libreng seed starter kits, bilang bahagi ng urban farming at food security program ng #GrowQC.
Ang kuwento ng pag-asa ng mga residente ng Barangay Botocan. Bilang bahagi ng #GrowQC program, puwedeng humingi ng seed starter kits at technical assistance ang mga taga-Quezon City para makapagsimula ng isang urban farm sa kanilang lugar. Ito’y nasa ilalim ng Food Security Task Force sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte at Co-Chairman niyang si Nonong Velasco.
Kasama sa seed starter kits ang binhi ng iba’t ibang gulay, mga paso at iba pang planting materials na sapat na para gawing gulayan ang dati’y isa lang bakanteng lote na puno ng basura. Dito na sa bagong Villa Berde Food Forest Farm kumukuha ng pagkain ang buong komunidad.
Isa na ngayon itong modelo ng matagumpay na urban community farm. Hindi lang pagkain ang ibinibigay nito sa komunidad, kundi dignidad at pag-asa sa bawat isang nagtatanim. Testimonya rin ito kung ano ang kayang gawin ng lahat kung sila’y sama-sama.
“Sabi ko nga sa kanila, isa para sa lahat, lahat para sa isa. Sama-sama kaming humaharap sa pandemic ngayon, at sama sama rin kami kung ano ang pwede naming maitutulong,” sabi naman ni Villa Berde president Juvy Bado sa isang interview.
Ang green revolution
Isang mahalagang bahagi ng #GrowQC ang Joy of Urban Farming na sinimulan ni Mayor Joy Belmonte sampung taon na ang nakararaan. Noon pa ma’y itinatag na niya ito para tulungan ang mga mahihirap na komunidad na kahit paano’y magkaroon ng mapagkukunan ng pagkain. Dati, wala gaanong pumapansin sa urban agriculture. Kinailangan pa ng isang pandemya para magising ang lahat sa katotohanang wala tayong food security o katiyakan pagdating sa pinagkukunan ng ating pagkain.
Nang magsara ang mga pantalan at mga national road noong lockdown, agad sumugod ang mga ina sa supermarket at mga palengke. Natakot tayong walang makain, at nagulat sa biglang taas ng presyo ng bilihin.
Kahit pa bumalik na sa normal ang supply ng pagkain, sobrang taas naman ang presyo ng gulay! P180 ang isang kilo ng sibuyas -- mas mahal pa sa isang kilo ng manok! Napakadaling maubos ang P1,000 sa isang punta lang sa palengke, kahit hindi ka bumili ng karne o isda.
Kaya ang mga tao ngayo’y naghahanap ng paraan para makapagtanim ng gulay sa anumang espasyo na mahanap nila: bubong, balkonahe, at maging sa bote ng softdrinks na sinabit sa pader. Dati, akala nati’y kailangan natin ng hardin para magpalago ng halaman. Ngayon, maaari nang maging hardin ang anumang lugar kung saan maaaring mag-alaga ng halaman.
Hindi problema ang kawalan ng bakuran para kay Brgy Capt. Bimbo Cruz ng Brgy Quirino 3A na ginawang hardin pati ang kanyang bubong.
Plant, plant, plant!
Isa sa mga prayoridad ng Department of Agriculture (DA) ay ang food security. Hinihikayat ng Plant, Plant, Plant program nito na magtanim ng gulay sa mga hardin
Sabi pa nga ni DA Secretary William Dar, “Even if we say there are enough vegetables or supply from the provinces, if possible, we should also plant in Metro Manila, in every household. There are new technologies that can now be used by Metro Manila residents, and we are helping in the distribution of seeds and seedlings.”
Nakipag-partner ang DA sa Department of Agrarian Reform at sa local na pamahalaan para sa Buhay sa Gulay project para tulungan ang mahihirap na komunidad na magtanim ng gulay, kahit yung mga nasa siyudad o urban areas.
Halimbawa, ang komunidad ng St. John’s Parish sa Tondo ay ginawang taniman ang isang football field maat nakapag-ani na sila noong Enero. Ang parokyang ito ay sumasakop sa 80,000 indibidwal sa kalapit na 17 barangay.
Inilunsad din ang kaparehong proyekto sa iba pang siyudad. Naglaan si Caloocan Mayor Oca Malapitan ng 1.5 ektarya para mataniman ng gulay. Si Belmonte naman ay naglaan ng pitong ektaryang sa Quezon City na inaasahang magiging pinakamalaking urban farm sa Metro Manila.
Para mas marami pa ang mahikayat na mag-urban agriculture, nag-aalok din ang Quezon City ng tax exemptions sa mga residenteng payag gamitin ang mga bakanteng lupa o idle lands para sa urban farming (para sa karagdagang impormasyon, mag-email sa growqc@quezoncity.gov.ph).
Check out my YouTube Channel (Jing Castaneda) for more videos on how to start a vegetable garden.
Magtanim ng pag-asa
Sa wakas, nabigyan na rin ang urban farming ng atensiyong nararapat dito, at umaasa akong mananatili na itong permanenteng bahagi ng New Normal. Ito’y isang napakasimple pero kongkretong ambag para sa laban ng food security. Sa pagtatanim, napapakain ang pamilya, nakatutulong sa bansa at naaalagaan ang kalikasan.
Para sa akin, simbulo rin ng pag-asa ang pagtatanim. Nagbibigay ng saya at inspirasyon ang makitang lumalaki ang mga prutas at gulay, kahit pa sa isang magulong siyudad. Sabi nga sa pelikulang Jurassic Park: “Life will find a way.” Tulad ng mga ipinakita ng mga nanay sa Botocan, kayang-kaya kung sama-sama.