MAGULO ang nakaraang taon. Nu’ng Enero namili ang mga tao ng 2020 Planner na hindi naman nagamit. Nu’ng Pebrero, bagama’t naulat na ang una at ikatlong mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay mga taga-Wuhan, tumanggap pa rin ang gobyerno ng mga turista mula China. Nu’ng Marso, nang mag-panic buying ang mayayaman bago ang napipintong lockdown, ang pinakyaw nila na pangsalba sa sarili ay toilet paper.
Abril-Mayo-Hunyo, dahil walang bus at jeepneys, hinikayat ng gobyerno ang mamamayan na magbisikleta, pero dapat daw may plaka ng rehistro. Tinangkang buwisan ang barter ng produkto at serbisyo. Para iwas sa impeksiyon, binawal ang angkas sa motorsiklo miski ng mag-asawang magkasiping sa pagtulog. Atrasado ng dalawang buwan ang ayudang cash ng gobyerno sa mga nagugutom na pamilya.
Hulyo-Agosto-Setyembre, nawalan ng hanapbuhay ang 27 milyong Pilipino. Pero ayon sa surveys, aprubado ng 92% ng mamamayan ang palakad ng gobyerno habang pandemya. At 6% ang walang opinyon. Nagtaka ang tao na 2% lang pala silang maraming umaangal sa mga patakarang nakasira sa trabaho. Pumasyal na lang sila sa P400-milyong fake white sand beach ng DENR sa Manila Bay.
Oktubre-Nobyembre-Disyembre, tumama ang tatlong matinding bagyo. Sa gitna ng kalamidad inuna ni Presidente Duterte na awayin si VP Robredo. Inuna ng mga kongresista pag-awayan ang Speakership at daan-bilyong pisong pork barrel. At inuna ng DOTr ang P109-bilyong kuwestiyonableng plano na i-rehab ang Manila Airport.
Sa wakas 2021 na. Malapit na ang bakuna. Mauuna raw magpaturok ang mga pulitiko bilang ehemplo sa mga nagdududang tao. Maliwanag ang bukas. Kung epektibo ang bakuna, ligtas sila. Kung palpak ang bakuna, ligtas ang bansa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).