Marami ang nagmamaliit sa mga delatang sardinas. Ang sabi ng iba, pagkain lang iyan ng mga mahihirap at walang sustansiya. Mali po iyan! Sa katunayan, ang sardinas ay isa sa pinakamasustansyang pagkain sa buong mundo.
Narito ang mga ebidensiya:
1. May taglay na Omega 3 fatty acids – Ang sardinas ay sagana sa Omega 3 na nagpapataas ng good cholesterol at pinoprotektahan ang ating puso at ugat. Dahil dito, makaiiwas tayo sa atake sa puso at sa istrok.
2. May Coenzyme Q10 – Ang sardinas ay may mataas na lebel ng Coenzyme Q10, isang anti-oxidant na nagpapalakas ng katawan.
3. May Calcium – Ang calcium mula sa sardinas ay nagpapatigas ng ating buto. Kapag sasabayan ito ng ehersisyo, mas titibay ang ating buto at makaiiwas sa osteoporosis.
4. May Vitamin D – Ang vitamin D ay tumutulong sa pag-absorb ng calcium ng ating katawan.
5. May Vitamin B12 – Napakahalaga ng Vitamin B12 para sa kalusugan ng ating mga ugat (nerves), utak, at spinal cord. Ang Vitamin B12 ay nagpapalakas din ng katawan at tumutulong sa paggawa ng dugo.
6. May Phosphorus – Ang sardinas ay iilan lamang sa mga pagkain na may phosphorus, na kailangan ng ating buto at ngipin.
7. Hindi nakatataba – Dahil mababa sa calories and sardinas, puwede ito sa mga taong nagdi-diyeta. Mataas ito sa protina at Omega 3 na nagbibigay sa atin ng energy.
8. Mababa sa masamang Mercury – Ang mga maliliit na isda tulad ng sardinas, dilis, hito, galunggong at bangus ay mababa sa mercury at ligtas kainin.
9. Umiwas sa mga isda na mataas sa mercury – Limitahan lang ang pagkain ng lapu-lapu, sea bass at tuna sashimi dahil may kataasan ang mercury ng mga ito.
10. Sardinas na may tomato sauce – Para sa masustansiyang ulam, piliin ang delatang sardinas na may tomato sauce. Bukod sa lahat ng benepisyo ng sardinas, makukuha rin ninyo ang sustansiya mula sa kamatis (tomato sauce). Ang kamatis ay may sangkap na lycopene at beta-carotene na makatutulong sa pag-iwas sa sakit sa puso, kanser sa prostata at kanser sa bituka.
Kaya para sa healthy na pamilya, huwag nang maghanap ng mamahaling pagkain. Mag-sardinas na lang.
* * *
Yogurt: Napakasustansya sa katawan
Alam ba ninyo na ang yogurt ay isa sa mga pinakahealthy na pagkain? Ang yogurt ay gawa sa gatas at kumpleto sa protina, carbohydrates at fats. May calcium para sa ating buto, may potassium para sa mga nag-eehersisyo at vitamin B para sa ugat at stress. At napakahalaga ang good bacteria sa yogurt, iyung tinatawag na lactobacilli.
Heto ang iilan lamang sa mga sakit na matutulungan ng yogurt:
1. Para sa singaw – Ayon kay Dr. Elmer De La Cruz, ang pag-inom ng yogurt o yakult 3 beses sa maghapon ay nakapagtatapal sa sugat ng mga singaw. Kahit nasaan pa ang singaw mo, sa bibig, dila o lalamunan, matatapalan ng yogurt at mababawasan ang sakit.
2. Para sa mga nagpapapayat – Imbes na ice cream o full cream milk ang inumin, mas hindi nakatataba ang yogurt. Piliin ang low-fat yogurt (yung mas maasim) dahil 100 calories lang ito bawat cup.
3. Para sa mga nagtatae sa gatas – May mga tao na may “lactose intolerance.” Ang ibig sabihin ay nagtatae sila kapag nakainom o nakakain ng pagkaing may gatas. Bilang kapalit sa gatas, subukan ang yogurt na mas sang-ayon sa iyong tiyan.
4. Para makaiwas sa kanser sa tiyan – Ang yogurt ay makatutulong sa pagpapadami ng good bacteria (ang lactobacillus) sa ating tiyan. Gaganda pa ang ating pagdumi at makaiiwas tayo sa kanser sa tiyan (colon cancer).
5. Para sa vaginal yeast infection o impeksyon sa puwerta – Minsan, ang mga babae ay nagkakaroon ng makati at puting discharge sa puwerta. Para magamot ito, nagbibigay ang doktor ng anti-fungal suppository. Bukod dito, kumain din ng isang tasang yogurt sa loob ng 5 araw para manumbalik ang lactobacillus na nasa puwerta rin. Kapag ang mga kababaihan ay kumain ng 4 cups ng yogurt bawat linggo, mas hindi sila magkakaroon ng impeksyon sa ihi at sa puwerta.
6. Para sa mga umiinom ng antibiotics – Kung ika’y umiinom ng antibiotics, mabuti ay sabayan mo na rin ng pagkain ng yogurt araw-araw. Ito ay para mapalitan ang mga good bacteria na maaaring napinsala sa pag-inom ng antibiotics.
7. Para sa marami pang sakit – Ayon sa pagsusuri, pinapalakas ng yogurt ang ating immune system at tinatanggal ang mga bad bacteria sa katawan. Dahil dito marami pang sakit ang pinapalagay na matutulungan ng yogurt, tulad ng ulcer, allergy, kanser at HIV-AIDS.
Mag-yogurt na para sa inyong kalusugan!