13th month pay, maibibigay din ng small companies

Mukhang may posibilidad na maibibigay din ng mga ma­liliit na negosyante ang 13th month pay ng kanilang mga manggagawa. Nung una kasi, nangangamba ang mga kompanyang ito na hindi nila kakayaning magbigay ng 13th month pay dahil bumagsak ang kanilang mga negosyo sanhi ng COVID-19 pandemic.

Natural na mangamba rin ang ang empleyado sa mga maliliit na kompanyang ito dahil baka magdaos sila ng “Paskong tuyo.” Ngunit sabi nga, saka na natin bilangin ang mga sisiw kapag napisa na ang mga itlog.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) handa itong magbigay ng P4 billion halaga ng soft loans para sa mga micro and small enterprises o MSE para maibigay ang 13th month pay ng mga kawani. Iyan ang ma­gandang balitang hatid ng Department of Labor and Employment. Kapag sinabing soft loan, ibibigay ito sa mga maliliit na kom­panya nang walang kolateral at may mababang interes.

Ayon umano kay Trade Secretary Mon Lopez, mayroon silang pondong P10 billion mula sa mga attached agency ng DTI, at handa silang ibahagi ang P4 billion bilang pautang. Hindi lang iyan. Bukod sa DTI, ang mga Rural Banks ay nagpahayag din ng kahandaang magbigay ng loans sa mga maliit na kompanya bilang pambayad sa 13th month pay ng mga manggagawa.

Tiniyak daw ng bankers’ association kay Bello na pabi­bilisin ang pagproseso sa loan upang maibigay sa mga kawani bago sumapit ang Pasko. Kaya maski paano, sana ay makapawi ng ating stress ang balitang ito. Masyado na kasi tayong maraming inaalala sapul nang manalasa ang pandemyang ito.

Obligado kasi ang lahat ng mga kompanya, maliit man o malaki na magbigay ng 13th month pay sa ilalim ng batas. Basta’t may sampung empleyado ka pataas, inaatasan ka ng batas na ipagkaloob sa mga kawani ang benepisyo ng ito.

Show comments