Kahapon ay inumpisahan muli ng House of Representatives ang kanilang sesyon para sa pagpasa ng 2021 budget. Naayos din ng mga mambabatas ang gusot sa kung sino ang magiging Speaker ng kapulungan. Kesyo may kasunduan sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Speaker Lord Allan Velasco ukol sa paghating kapatid sa puwesto, hindi maikakaila na ang buong House na ang nagpasyang kilalanin si Speaker Velasco.
Mabuti at hindi na pinahaba pa nang magkatunggali ang lambingan. Napakalungkot kung sa gitna ng binubuno nating pandemya ay maantala ng pansariling interes ang lunas na maidudulot ng ayuda sa budget. Sakali kasing nagpatuloy pa ang pagkaantala ng debate sa budget, hindi na ito aabot sa tamang oras ng pagpasa at sa halip ay mababalik tayo sa pag-gamit ng budget nitong taong 2020. Ang ganitong re-enacted budget ay walang nakasaad para sa mga Bayanihan, ASCEND, CREATE at iba pang mga programang itinakda para buhatin ang bansa mula sa lugmok na kinalalagyan.
Sa ganitong pamantayan, mapapatawad natin ang dalawang kongresista at makukuha pa nating sila’y pasalamatan na hindi na lalong pinatagal ang kalbaryo. Si Speaker Lord Allan Velasco mula sa una ay naging matiwasay at kalmado ang pakikiharap sa kampo ni Speaker Cayetano. At sa huli ay pinakitaan pa ito ng magnanimity sa pag-alok ng kamay para makatrabaho, na may inilaan pang puwesto sana bilang Deputy Speaker.
Si Speaker Cayetano naman, nang mabatid na pinili ng mas nakararami si Speaker Velasco, ay hindi na nagpaliguy-ligoy pa at agad isinumite ang kanyang irrevocable resignation. Iniwasan nang lalo pang mabaon sa hindi produktibong bangayan ang House at ang kanyang mga kapwa kongresista.
Ipinanganak man sa pansariling interes ang kanilang alitan, sa huli ang interes ng bansa at nakararami ang nanaig. Congratulations sa kanilang dalawa at sa ating lahat. Ang inakala nating ikatatalo ng bansa ay lumabas ding positibong kaganapan.