May mga bad habits ang ilan nating kababayan na puwedeng makaapekto sa haba ng buhay. Sana ay maiwasan ang mga kaugaliang ito para na rin sa inyong kalusugan:
1. Malakas uminom ng alak (Bawas 3 taon sa iyong buhay).
Totoong may kaunting benepisyo ang red wine pero ang benepisyong ito ay nanggagaling sa ubas at hindi sa alak. Ang alkohol mismo ay walang benepisyo sa katawan. Sa katunayan, nagdudulot ang alkohol ng mga sakit tulad ng sakit sa atay, kanser sa atay, ulcer, sakit sa utak, pagkaulyanin at marami pang iba.
2. Mahilig sa hindi healthy na pagkain (Bawas 4 na taon).
Ito ang tatlong pagkain na dapat ingatan: taba, asukal at asin. Ang sobrang pagkain nito ay puwedeng magdulot ng sakit sa puso, diabetes at high blood pressure. Iwasan ang taba mula sa karneng baboy at baka. Limitahan din ang pagkain ng butter, margarine, cake at mantika. Hinay-hinay din sa pag-inom ng matatamis na softdrinks, iced tea at mga juices. Mas masustansya pa rin ang gulay at prutas tulad ng saging, carrots, kamatis at mansanas.
3. Ayaw magpatingin sa doktor (Bawas 4 na taon).
Kapag lagi kang umiiwas sa doktor, posibleng mahuli tayo sa pagdiskubre ng iyong sakit. Lahat ng tao ay magkakasakit. Ngunit kung maaga natin itong malalaman, magagawan pa natin ito ng lunas. Magpa-check up bawat taon kung ikaw ay edad 40 pataas at kung may lahi ng sakit sa puso, diabetes, kanser o high blood.
4. Sumasali sa extreme sports (Bawas 4 na taon).
Ayon sa isang survey sa Australia, ang pinakadelikadong sports ay ang horse riding, power boating at motorcycle. Sa America, ang mga football players, boxers at wrestlers ang may pinakamaraming sakuna. Hindi pa natin pinag-uusapan dito ang mountain climbing, hang gliding, at parachuting. Gamitin natin ang ating pag-iisip. Iwas panganib, para humaba ang buhay.
5. Pabagu-bago ang diyeta at pagpapapayat (Bawas 5 taon).
“Everything in moderation,” ang sabi ng doktor. Ang pabago-bago sa diyeta (iyung tinatawag na crash diet at yoyo diet) ay masama sa ating kalusugan. Nahihirapan ang ating katawan sa biglang pagpapapayat. Huwag din uminom ng mga diet pills dahil posibleng makasira ito sa ating puso. Mag-diyeta sa normal na paraan. Bawasan ang dami ng kinakain tulad ng kanin, ulam at matatamis na inumin. Magbawas ng 1 o 2 pounds lamang bawat linggo.
6.Iniisip na ika’y matanda na (Bawas 5 taon).
Kapag inisip mo na ika’y matanda na, susunod din ang iyong katawan. Kaya isipin mong bata ka pa at magkaroon din ng positibong pananaw sa buhay. Ayon kay Norman Vincent Peale, kapag inisip mo na kaya mong talunin ang iyong sakit at suliranin, marahil ay magagawa mo ito.
7.Kulang sa ehersisyo (Bawas 7 taon).
Ayon sa pagsusuri, kahit kaunting ehersisyo ay may tulong na sa ating kalusugan. Mag-ehersisyo ng 3 hanggang 5 beses bawat linggo ng mga 1 oras. Kapag susundin natin ito, makaiiwas tayo sa diabetes, sakit sa puso at arthritis. Mapapanatili rin natin ang ating tamang timbang. Kung kayo ay lampas edad 40 o 50, umiwas na sa mga high impact exercises tulad ng basketball, badminton at running. Piliin ang paglalakad, swimming at taichi para hindi matagtag ang iyong mga tuhod at paa.
8.Hindi maingat sa sex partners (Bawas 8 taon).
Ang pagkakaroon ng maraming sex partners ay puwedeng magdulot ng sexually transmitted diseases o STD. Ang mga sakit na gonorrhea (tulo) at herpes ay magagamot pa, ngunit ang sakit na HIV-AIDS ay wala pang panlunas. Dumarami na ang bilang ng Pilipino na may HIV virus. Sundin ang payo ng DOH para makaiwas sa AIDS: (A) Abstinence o iwas sa sex; (B) Be faithful sa iyong partner; at (C) Careful sa sex. Gumamit ng condom kung kinakailangan.
9.Naninigarilyo (Bawas 8 taon).
Ayon sa pagsusuri, ang mga taong naninigarilyo as mas maagang namamatay ng 8 taon kumpara sa mga hindi naninigarilyo. Mayroon pang higit sa 70,000 na pag-aaral ang nagpapatunay na ang paninigarilyo ay puwedeng magdulot ng sakit at kanser sa puso, baga, tiyan, bituka at prostata.
10,Ayaw inumin ang maintenance na gamot (Bawas 10 taon).
Napag-alaman ng mga eksperto na ang mga taong umiinom ng gamot sa high blood pressure at diabetes ay humahaba ang buhay ng higit-kumulang 9 na taon kumpara sa mga taong hindi umiinom ng gamot. Malaki rin ang benepisyo ng mga gamot tulad ng aspirin at statins para sa kolesterol. Kaya kung kayo ay lampas 40, magpatingin na sa doktor at itanong kung kailangan mo nang uminom ng gamot. Good luck po!