Sa civil cases, ang nagrereklamo ang dapat magpakita ng ebidensiya tungkol sa pagmamay-ari niyang lupa. Dapat niyang patunayan ng mas matibay na ebidensiya ang tungkol sa karapatan niya para siya paniwalaan ng korte kaysa kanyang kalaban. Ang katotohanan o kasinunga-lingan sa kaso ay base sa ebidensiyang inihain. Ito ang ipinaliwanag sa kaso nina Angie at Romy.
Isang biyuda si Angie at rehistradong may-ari ng isang 364 metro kuwadradong lupa na sakop ng titulo bilang 4738. Ang lupang ito ay dating pagmamay-ari ng mister niyang si Jun at minana naman nito mula kay Gina sa pamamagitan ng isang extra-judicial settlement of estate. Nang namatay si Jun, gumawa ng kasulatan si Angie tungkol sa kanyang pagiging solong tagapagmana ng asawa (affidavit of self-adjudication) kaya nalipat sa kanyang pangalan ang lupa.
Nang malaman ni Romy ang ginagawa ni Angie ay agad siyang nagsampa ng reklamo para ipawalambisa ang titulo ng biyuda, mabawi ang kalahati ng lupa at humingi ng danyos-perwisyo. Ayon sa kanya, hindi lang si Angie ang dapat tagapagmana ni Jun kundi pati sila ng kapatid na si Rina. Hindi lang daw ang asawa ni Jun kundi sila na kapatid na lalaki at babae ng namatay ay dapat din na kahati. Para patunayan ang kanyang sinasabi ay ginamit na ebidensiya ni Jun ang dokumento ng paghahati ng ari-arian ni Gina (Extra-Judicial Settlement of Estate) pati ang kasulatan ng pagsuko ng karapatan ni Rina (waiver of rights).
Sa parte naman ni Angie, pinabasura niya ang reklamo at itinanggi na tunay na kapatid ni Jun si Romy. Itinanggi rin niya na gumawa siya ng kasinungalingan sa paggawa ng mga salaysay ukol dito.
Matapos ang paglilitis, pinaboran ng korte si Angie. Hindi raw sapat ang ginawang Extra-Judicial Settlement of Estate para patunayan ang sinasabi ni Romy na kapatid siya ni Jun. Isa pa, hindi rin matatanggap na ebidensiya ang kasulatan ng pagsuko ng karapatan ni Rina dahil kopya at hindi orihinal na dokumento ang sinumite sa korte. Ayon sa korte, dapat ipinakita ni Romy ang kanyang birth certificate at pati ang birth certificate ni Jun para maipakita na pareho ang kanilang tatay o nanay. Kinatigan ng Court of Appeals ang desisyon ng mababang hukuman pero hindi nito hinadlangan kung sakaling magsasampa ng panibagong kaso si Romy para malaman kung sino talaga ang tunay na tagapagmana ni Jun at kung sino ang dapat makakuha ng kanyang naiwang lupain. Binura rin ng CA ang binigay na danyos (exemplary damages) at ang itinira lang ay ang bayad para sa gastos sa abogado at sa paglilitis ng kaso. Kaya inakyat pa rin ni Romy ang apela sa Supreme Court.
Pero binasura lang ng SC ang petisyon ni Romy dahil wala naman siyang sinumiteng bagong ebidensiya. Ang hinahalukay lang ni Romy ay puro tanong tungkol sa katotohanan ng kaso na siyempre ay hindi naman puwedeng pag-aralan ng hukuman. Ayon sa SC, sinasabi ni Romy na may karapatan siya sa buong ari-arian dahil kapatid niya si Jun. Ang nakalagay sa birth certificate ay nanay niya si Gina pero sa kasamiyento ng kasal nina Jun at Angie ay nanay nito si Dolly. Kahit sabihin pa na sa parehong dokumento ay iisa lang ang kanilang tatay, kailangan pa rin na rin na pag-aralan ang katotohanan at importansiya ng mga nasabing ebidensiya. Hindi na ito sakop ng kapangyarihan ng SC.
Isa pa, si Romy ang may tungkulin na patunayan na kapatid siya ni Jun. Iyon nga lang, hindi niya nagawang ipasa ang kailangang ebidensiya. Dapat ay nagpasa siya ng birth certificate bilang patunay na iisa ang kanilang nanay at tatay ng sinasabing kapatid. Ang sinasabing extrajudicial settlement ni Gina pati ang waiver of rights ni Rina at ang special power of attorney (SPA) na ginawa ni Jun kung saan ginawa niyang attorney-in-fact niya si Rina noong buhay pa ang lalaki ay hindi sapat para suportahan ang sinasabi ni Romy na kapatid siya ni Jun (Caranto vs. Caranto, G.R. 202889, March 2, 2020).