DISMAYADO si President Digong kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero dahil hindi ito nakakatulong sa kampanya ng gobyerno kontra droga. Subalit kahit bumaba na ang paghanga niya kay Guerrero, binigyan pa rin ito ni Digong ng tsansa para makabawi.
Iniutos ng Presidente kay Guerrero na mag-shape up at pumatay ng miyembro ng sindikato sa droga dahil sinang-ayunan na niya ang pagbili nito ng mga makabagong armas. Napapansin kasi ni Digong na tuluy-tuloy lang ang pasok ng droga sa bansa at napatunayan naman ‘yan ng milyones na halaga ng shabu na nakukumpiska ng kapulisan sa lahat ng sulok ng bansa.
Ibinabando rin ni PDEA director Wilkins Villanueva na wala ng shabu laboratory sa bansa eh saan galing ang shabu na kumakalat sa kalye? ‘Yan ang tanong! Siyempre, nasa kasagsagan tayo ng COVID-19 pandemic at may maliit na posibilidad na ang eroplano ang ginagamit ng drug syndicates dahil masyadong istrikto ang paliparan natin sa ngayon.
Hindi lang ‘yan. Kung sa eroplano man dumadaan ang droga, tiyak kokonti lang ang maisakay dahil marami pang kargamento ang isasalpak dito ng mga pasahero. Kaya ang suspetsa ni Digong ay sa mga pantalan dumadaan ang shipment ng droga at mukhang napaikutan si Guerrero ng mga tauhan niya, ‘di ba mga kosa? Dipugaaaa!
Inuuna kasi sa Bureau of Customs ang pagkakakitaan tulad ng Inteligence Unit na inireklamo ng brokers dahil hindi shipment ng droga ang inuuna kundi ang kanilang bulsa. Ano ba ‘yan?
Ang problema ni Guerrero, ayon kay Digong, ay masyado siyang nagtitiwala sa Customs officials, o ang mga tinatawag na “We Bulong” na nagkaugat na sa Aduana. Ang buong akala ni Guerrero, ang kapakanan ng BOC ang hinihirit ng mga sipsip niyang opisyales ‘yun pala ay pitsa lang ang nasa isip nila. Dipugaaaa!
“Ang gusto ko pumatay ka diyan. Tutal backup-an kita. Hindi ka makulong. Basta droga barilin, patayin mo. ‘Yan ang usapan eh!” Iyan ang utos ni Digong kay Guerrero. Iniutos din ng Presidente na i-reshuffle ang district collectors at iba pang hepe ng BOC at ‘yung hindi susunod sa kautusan ni Guerrero, kailangang mag-report sa kanya sa Palasyo. Dipugaaaa!
Namumuro na si Guerrero at pagnagkataon, pangatlo na siyang hepe ng BOC na masibak sa termino ni Digong. Abangan!