Lahat nang mga ginagamit na personal protective equipments (PPEs) ng mga health frontliners ay pawang made in China. Maski ang face shields na ngayon ay obligadong magsuot ang lahat kapag nasa pampublikong sasakyan, malls at palengke ay pawang gawa sa China. Wala bang made in Philippines at pawang galing sa China? Doon na nga galing ang COVID-19 pati ba naman PPEs ay sa kanila pa nagmumula.
Ang matindi sa mga gawang China, madaling masira ang mga ito. Halimbawa ay ang gown at masks. Ayon sa report, isinusot pa lang ng frontliners ang gown niya ay nawawarat na. Mayroong pilipit ang pagkakagawa kaya kapag isinuot ay nasisira. Mahinang klase. Ganundin umano ang face masks na madaling mapatid ang tali na nakasabit sa taynga.
At sa kabila na mahinang klase ang mga PPE na made in China, ang gobyerno ay patuloy naman sa pag-angkat ng mga ito. Kailangang-kailangan kasi ng mga frontliners para maprotektahan ang sarili sa virus. At isa pang nakadidismaya, mahal ang presyo ng PPEs na made in China. Nagbayad nang mahal pero madali namang masira.
Kulang na kulang ang PPEs ng medical frontliners. Dahil walang maipalit, ginagamit uli nila ang gowns, gloves, masks at mga cover sa sapatos kahit na ang order sa kanila ay isang beses lang itong gagamitin at dapat nang ibasura.
Pero ano ang magagawa ng frontliners? Wala na silang ipampapalit. Kulang ang suplay lalo na sa mga pampublikong ospital. Ang ibang health workers, bumibili para sa sarili nila. Kaysa raw maghintay sa suplay ng ospital, sila na lang ang kusang bumibili gamit ang sariling pera. Dagdag gastos sa kanila iyon pero walang magagawa.
Maaari namang gumawa ng sariling PPEs ang bansa at baka mas matibay pa sa gawang China. Sabi ng Confederation of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP), handa silang gumawa at magsuplay ng PPE para sa frontliners pero wala raw demand na galing sa pamahalaan. May sentimiyento ang mga manufacturers sapagkat patuloy ang pag-import ng PPE sa ibang bansa particular sa China.
Sabi naman ni Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire, sa ilalim ng ratified version ng Bayanihan to Recover as One Act o ang Bayanihan 2, ang mga local manufacturers ng PPE ang prayoridad ng gobyerno.
Kung ganun, itigil na ang pagbili ng PPE sa China. Tangkilikin ang gawang Pinoy na mas matibay at mas mura pa. Makakatulong pa ito sa pagkakaroon ng trabaho ng mga Pinoy. Maraming nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Unahin ang PPE na gawa ng mga Pinoy at suplayan ang health frontliners.