EDITORYAL - Maging mapagmatyag at alerto sa terorismo

Walang pagpapahalaga sa buhay ng kanilang kapwa ang mga terorista. Balewala sa kanila ang pumatay. Bulag na sila at isasagawa ang plano kahit ano pang mangyari. Wala silang pakialam kung ang mapatay sa kanilang pambobomba ay mga bata, matatanda, buntis, at iba pang karaniwang ma­ma­mayan na tahimik na namumuhay.

Kabilang dito ang mga teroristang Abu Sayyaf na naghasik ng lagim noong Lunes sa Jolo. Wala nang kinikilala ang grupong ito na suportado ng ISIS. Ang ISIS ang nagsasanay sa Abu Sayyaf sa paggawa ng bomba. Ayon sa report, mga dayuhan ang nagtuturo sa Sayyaf sa paggawa ng bomba. Ilang dayuhang mi­yembro ng ISIS ang napatay ng military.

Dalawang magkasunod na pambobomba ang naganap sa Jolo noong Lunes na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng 75. Karamihan sa mga namatay ay mga sundalo. Naganap ang unang pagsabog dakong 11:54 ng umaga sa Barangay Walled City malapit sa isang restaurant at grocery store. Makalipas ang isang oras, 12:57 ng tanghali, naganap ang ikalawang pagsabog malapit sa sangay ng Development Bank of the Philippines, may 100 metro mula sa pinangyarihan ng unang insidente. Ayon sa report bago ang pagsabog, isang babae na may kahina-hinalang kilos ang sinita ng isang sundalo dahil mayroong nakabukol na bagay sa ilalim ng damit nito. At kasunod ay ang malakas na pagsabog. Patay ang babaing suicide bomber at ang sundalo. Ayon sa isang opisyal ng military, dalawang babae ang suicide bombers.

Noong Enero 2019, dalawang suicide bombers din ang bomomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral na ikinamatay ng 23 katao at ikinasugat ng 102. Pawang mga nagsisimba ang biktima. Mga Indonesian umano ang suicide bombers. Ilan pang pambobomba ang naganap sa Jolo ilang taon na ang nakalilipas at mga Abu Sayyaf ang nagsagawa.

Ayon sa military, hinahanap na nila ang Sayyaf leader na si Mundi Sawadjaan na umano’y gumawa ng bomba na sumabog noong Lunes. Hindi umano sila titigil hangga’t hindi nahuhuli si Sawadjaan.

Ang pagiging mapagmatyag at alerto ng mama­mayan ang nararapat sapagkat maaring masundan pa ang mga pambobomba. Huwag maging kampante lalo na kung nasa mataong lugar gaya ng palengke. Ang mga ganitong lugar ang target ng mga terorista. Naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga tero­rista kaya dapat maging handa ang lahat. Ireport ang mga kahina-hinalang bagay na basta iniwan sa lugar.

Show comments