Dapat bitayin mgakawatan sa PhilHealth!
Lahat nang bagay may panimula, maganda man ito o masama. Kaya nga may tinatawag na cause and effect o dahilan at epekto.
Lumalabas na ang pinag-ugatan ng korapsyon sa PhilHealth ay itong sistema na Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Nagsimula ang IRM noong 2013 sa pamamagitan ng PhilHealth Circular 34 s-2013 sa ilalim ng dating Presidente at CEO ng PhilHealth na si Alex Padilla.
Maganda ang layunin ng nasabing circular, makikinabang ang mamamayang Pilipino ng walang abala sa serbisyo ng mga ospital sa mga pagkakataong tulad ng pandemya at sakuna.
Subalit inabuso ang sistema at naging ugat ng malaking katiwalian. Nagbunga ng masama at kasalukuyan ay nagresulta ng masamang epekto sa ating bansa.
Ginawang raket ang IRM ng mga malikhaing executive na nasa itaas sa tulong ng mga nasa gitna ng istruktura ng ahensiya. Sila ‘yung mga “sindikatong” decision maker ‘ika nga sa loob.
Sila ‘yung mga executive na mga nag-iinterpreta kung paano ipatutupad ang nasabing IRM. Nang dahil sa sistemang ito, nakulimbat, nagantso, nasuwitik ang ating pamahalaan ng P154 billion.
Kung iisipin sa normal na operasyon, dapat ang hospital ay magseserbisyo muna sa mga pasyente saka sila mabilisang babayaran ng PhilHealth.
Subalit dahil sa IRM, cash advance muna ang hospital para tuluy-tuloy daw ang daloy ng serbisyo. Kortesiya ng mga malilikhaing kawatan, tuluy-tuloy din ang pagnanakaw.
Ang mga nasa likod nito dapat binibitay na.
Hindi lang dapat suspension, hindi lang dapat sibak sa trabaho... dapat bitay!
- Latest