PAKAY ng responsableng magulang na mabigyan ng pinaka-mahusay na edukasyon ang anak. Nagbabanat siya ng buto, kayod sa umaga o gabi, para mabayaran lahat. Tuition, kagamitan sa pag-aaral, uniform, baon, pagkain, pamasahe ang ilan lang doon.
May mga nagmamaliit sa pangarap na ‘yan ng mga magulang. Sa isang dako ang mga populista. Binubulalas nila kung ano lang ang popular o madali. ‘‘Walang bakuna, walang pasok; laro na lang ang mga bata, maski walang malikhang doktor o enhinyero ang henerasyong ito.’’ Hindi inisip na maaring hindi agad magkaroon ng bakuna, kung may maimbento man, para sa COVID-19. Binalewala ang plano ng Department of Education na mag-distance learning para sa bahay magklase ang mga mag-aaral imbes na magsiksikan at maimpekta sa school. Kinalimutan ang matagal nang paggamit ng private schools ng online learning, para ma-advance, maihabol, o marepaso sa leksiyon ang mga bata.
Sa kabilang dako ang mga “angalista”. Puro sila angal. Kesyo raw hindi uubra ang online o TV classes dahil walang gadget ang mahihirap. Kesyo wala o mahina ang Wi-Fi. Kesyo mag-aagawan ang mga magkakapatid sa kaisa-isang gadget dahil sabay-sabay ang klase nila.
Lahat nang problema ay may solusyon. Marami nang online learning modules, gawa ng mga eksperto, hindi lang para sa mga bata kundi pati magulang na dapat tumutok sa kanila. Deka-dekada na ang karanasan at malawak ang saklaw ng ABS-CBN Knowledge Channel sa TV classes, kaya lang pinulitika ng mga kongresista. Maaring mamahagi ng gadgets at load sa mga maralitang mag-aaral. Maaring paspasan ang paglatag ng Wi-Fi connection kung magbibigay ng insentibo ang gobyerno.
Kung magawa lahat ‘yan, may ibubulalas pa ba ang mga populista at angalista? Siyempre meron. Hindi sila mauubusan ng pamumulitika!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).