IMEG, lilinisin ang recruitment process ng PNP! -- General Lee

BABANTAYAN ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng Philippine National Police ang lahat ng recruitment process ng PNP para pigilan ang pagtanggap ng mga dispalinghadong aplikante. Maliban sa isang naka-unipormeng pulis, sinabi ni IMEG director Brig. Gen. Ronald Lee na may dalawa pang nakasibilyan na tauhan niya na magmamasid at magkakalap ng impormasyon para matuldukan ang corruption at iba pang malpractices sa recruitment process. Marami na kasing mga pulis, na kahit itinaas na ni President Digong ang suweldo, ay nasa­sangkot pa rin sa extortion at iba pang kaso.

Natuklasan ni Lee na ang ilang dahilan ay dahil may kabuktutan sa kanilang pagpasok sa serbisyo. Open secret­ naman kasi na karamihan sa mga recruit na police ay nag­babayad para malusutan ang kakulangan nila sa medical tulad ng neuro exam kung saan P30,000 ang ilalabas ng mga aplikante. Ang iba namang aplikante ay nasa dulo ang mga pangalan subalit sa magic ng makapal na Ninoy ay nasa unahan na sila kaya nakapasok sa pagka-pulis. Ara­guuyyyy!

Eh, paano nila babawiin ang ginastos nila? Sa katiwalian, ‘di ba mga kosa? Hak hak hak! Kaya’t dito sa pag­babantay ng IMEG sa recruitment process sasalain talaga ang aplikante at ang “the best and brightest” na ang makakapasok sa pagka-pulis, ‘di ba mga kosa? Dipugaaaa!

Matatandaan na itinayo ni PNP chief Gen. Archie Gamboa ang PNP Recruitment and Selection Service (PRSS) sa ilalim ng liderato ni Col. Ma. Leonora Camarao noong Mayo 17 para siguruhin na ang mga kuwalipikado na aplikante lang ang makapasok bilang patrol officer, la­teral entry, at cadetship program ng PNP Academy (PNPA).

Sa ilalim ng Oplan Pagsungko, tutulungan ng IMEG ang PRSS para tuldukan ang corruption at malpractices nang sa gayon walang talipandas na aplikante ang matatanggap sa recruitment. Itong Oplan Pagsungko ay magiging kaakibat ng Internal Cleansing program ng PNP kaya’t nasa tamang direksiyon ang liderato ni Gamboa na linisin ang hanay nila ng mga tinatawag na bulok, na kalimitan sangkot sa katiwalian na naging dahilan para masira ang imahe ng kapulisan. Dipugaaaa!

Nanawagan din si Lee sa mga aplikante na ireport sa IMEG ang mga tiwaling PNP recruitment officers para masibak sila sa serbisyo. Nangako si Lee na magiging confidential ang pagkakakilanlan ng mga informant. Abangan!

Show comments